Araw ng Katekista, ipinagdiwang!

Kasabay ng pagdiriwang ng buong simbahan ng Kapistahan ng unang Santo ng Bansa na si San Lorenzo Ruiz ng Maynila, ipinagdiwang ng mga Katekista ng Catechetical Foundation of the Archdiocese of Manila (CFAM) ang taunang Araw ng mga Katekista nitong nakaraang Setyembre 29, 2017.

 

Nagsimula ang pagdiriwang sa isang natatanging prusisyon sa loob ng San Carlos Seminary complex na tinawag na 12 stations of Gratitude na sinundan naman ng Banal na Misa na pinangunahan ni CBCP Episcopal Commission on Catholic Education (ECCE) Chairman at San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto C. Mallari, D.D.

 

Sa kanyang homiliya, pinapurihan at pinasalamatan niya ang mga katekista para sa kanilang natatanging kontribusyon sa simbahan para sa pagpapalaganap ng Katekesis. Gayunman, pinaalalahanan niya ang mga katekista na ang espesyal na misyon nila’y hindi madali. Ito’y tila “pagpapaka-martir” na rin kagaya ni San Lorenzo Ruiz at nangangailangan ng pagyakap sa kanya-kanyang krus.

 

Binigyan diin din ng Obispo ang kahalagahan ng misyon ng mga katekista para sa Taon ng Parokya at sa nalalapit na Ika-500 Taon ng Kristiyanismo sa Bansa, kung saan ang mga katekista ay nagsisilbing “agent of renewal” para sa komunidad sa pamamagitan ng patuloy na paghuhubog, pakikiisa sa misyon ng Espiritu Santo at pagtuklas pa ng ibang  kaloob upang makatulong sa buong simbahan. Sa kanyang pagtatapos, sinabi ng Obispo: “Kung nais ninyong makapagbuo ng nagkakaisang pamayanan, tignan ninyo ang inyong kapwa bilang kawangis ni Kristo.

 

Naging tampok din ng pagdiriwang ang Pagbabasbas sa bagong CFAM-ICAM Building sa pangunguna pa rin ni Bishop Mallari at ang pagpapasinaya ni Fr. Carlo Magno Marcelo ng Trellis Magazine at ng bagong CFAM website. Hindi naman natumbasan ang saya ng mga katekista matapos nilang maglaro sa iba’t ibang uri ng palaro na sinabayan pa ng masayang pag-awit ng K-Pop o Katekista Pop. Nagtapos ang masayang pagdiriwang ng Araw ng mga Katekista sa masayang kainan.

 

--------------------

John Joseph L. Buentes