Ang Biyaya sa Likod ng Sakit
Ako si Angelito Zaballero Golosino, katekista ng Catechetical Foundation of the Archdiocese of Manila (CFAM) sa loob ng labindalawang taon at kasalukuyang naka-assign sa Minor Basilica and National Shrine of San Lorenzo Ruiz sa Maynila.
Nagsimula ang aking kwento noong Oktubre 25, 2022. Kaming mga katekista ng San Lorenzo Ruiz Basilica ay nagpasya na mag “Day of Prayer” sa Sta. Cruz Church sa Maynila.
Pagkatapos ng Day of Prayer ay nagpahatid ako kay Brother Regz sa Our Lady of Peace and Good Voyage sapagkat sa araw ding ito ay naimbitahan ako ng isang pari bilang officer ng Third Order Augustinian Recollect na mag welcome ng mga bisitang pari.
Habang pasakay na ako ng motor ay biglang nag “cracked” ang aking buto sa tuhod na hindi ko ma-imagine kung gaano kasakit. Pagkatapos ng dalawang minuto, sinikap kung umupo para maihatid na sa simbahan. Tutol si Brother Regz, at ang gusto niya ay madala ako sa malapit na ospital ngunit nagpumilit pa rin ako na dumiretso ng simbahan.
Nakita ng mga kasamang pari ang aking kalagayan, kaya sinabi ko sa kanila na ipapahila ko na lamang ito sa malapit na hospital, ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, dahil pakiramdam ko ay nadislocate lang ang aking buto kaya parang tumabingi ang aking paa.
Nang makarating kami sa hospital ay sinabi ng doktor na hindi pwede ipahila at kailangan dalhin sa Orthopedic Hospital.
Dinala ako sa Orthopedic at sa X-ray na isinagawa ay may nakitang fracture. Sinabi ng doktor na imposible na akong magka-fracture sa edad na 51 kaya gusto nilang malaman kung bakit nagka fracture.
Sa pagsusuri ay lumabas na ang aking buto ay malambot na, kaya sinabi ng doktor na kinakailangan ko muna magpahinga sa loob ng tatlong buwan. Mabigat sa akin na magpahinga ng tatlong buwan dahil hindi naman ako mayaman at walang makakatulong sa aking mga gawain.
Mahirap man para sa akin, itinuturing kong ang pagkakaroon ko ng sakit ay isang grasya. Hindi ko alam kung anong klaseng grasya pero alam kong darating ang panahon na may lesson na ibibigay ang Diyos sa akin.
Minsan naitatanong ko sa aking sarili…abnormal ba ako?
Sapagkat simula noong ako ay naaksidente hanggang ngayon ay hindi pa ako nag “worry”. Hindi ko naramdaman ang lungkot, at nandun pa rin ang saya.
Kung sakaling sasabihin ng doktor na puputulin ang aking paa, hindi na ako magdadalawang isip na ipaputol ito dahil ayaw ko nang maranasan ang sakit at kirot na parang hinihila ang aking laman.
Ganunpaman, kahit sobrang sakit, alam kong hindi malayo ang Diyos, hindi malayo si Maria. Si Maria ang lagi kong hinihingan ng tulong sa tuwing kailangan kong iunat ang aking mga paa. Minsan sasabihin ko; Mama Mary, diyan ka sa paa ko upang may harang at hindi mahulog hanggang sa maiangat ko ang aking paa.
Sa tuwing maiaangat ko ang aking paa, naroon ang joy na para bang nawalan ako ng isang bagay at iyon ay aking nakita.
Noong bumalik ako sa ospital para sa X-ray at MRI sa pelvis, lumabas sa result na ako ay may tumor. Nang makita ng doktor ang resulta ay nag request ng another MRI from joint to joint. Gayun din ng CT Scan sa aking abdomen, lungs at prostate dahil baka ako ay may prostate cancer.
Lumabas sa pagsusuri na may tumor ako sa lungs.
Parang pinakyaw ko na lahat, may tumor sa bones, may tumor sa lungs, may fracture pa.
Nirekomenda ako sa isang espesyalista sa tumor at nag request ang espesyalista ng bone scan para malaman kung mayroon pang tumor sa ibang parte ng aking katawan. Malungkot ang dalawang doctor nang makita nila ang result ng aking MRI at CT Scan kaya tinanong ko kung ano ang possibility sa aking sakit.
May possibility ba na lung cancer or bone cancer?
At ang sagot ng doktor ay may possibility.
Kung ano man ang mangyayari, tanggap ko kung anong sakit mayroon ako at kung gaano pa ang sakit na aking mararamdaman. Ini-enjoy ko na at gumagawa ako ng paraan na makayanan ko. Hindi ko hinihingi sa Diyos na tanggalin ang sakit na ito. Ang tanging dasal ko ay sana makayanan ko.
Sa ngayon, malaki ang aking pasasalamat sa mga taong nakatulong at tumutulong sa akin. Si Bishop Edgardo Juanich, ang aking Obispo noong nag misyon ako sa Palawan. Kay Monsignor Bong Lo, na kahit hindi ako nagre report sa parokya dahil sa aking sakit ay patuloy na nagbibigay ng suporta sa akin sa pamamagitan ng pagbibigay ng allowance.
Sa mga katekista ng CFAM, sa patuloy na pag-aalay ng panalangin para sa aming mga maysakit, na napakalaking regalo para sa akin. Kay Fr. Carlo na palaging nandyan para sa kanyang suporta.
Tunay nga na tayo ay Simbahan dahil ang mukha ng Simbahan ay nagtutulungan, nagdadamayan at nagmamahalan.
Addendum: Sa kasalukuyan, si Brother Lito ay na-diagnosed ng stage 4 lung cancer. Patuloy natin siyang isama sa ating mga panalangin.