Antonia Mesina: A Martyr “in Defense of Chastity”
Si Antonia Mesina ay ipinanganak sa Orgosolo sa isla ng Sardinia sa Italy noong Hunyo 21, 1919. Ikalawa sa sampung anak nina Agostino Mesina at Grazia Rubanu.
Siya ay bininyagan sa lokal na simbahan ng San Pedro. Tinanggap niya ang Sakramento ng Kumpil noong ika-10 ng Nobyembre 1920 at tumanggap ng kanyang Unang Komunyon noong 1926 mula sa lokal na obispo.
Nagkaroon ng sakit sa puso ang kanyang ina na humadlang sa kanya na ipagpatuloy ang kanyang mga gawaing bahay. Kaya naman napilitan si Antonia na tumigil sa elementarya, pagkatapos lamang ng apat na taon ng pag-aaral upang humalili sa kanyang ina sa mga tungkulin sa bahay.
Ayon kay Grazia, hindi kailanman sumalungat si Antonia sa kanya. Siya ay masunurin at masipag. Kusang loob at masigasig niyang ginagampanan ang kanyang mga tungkulin at umaako sa mga responsibilidad na para bang siya ay nasa hustong gulang na, tulad ng pagluluto, paglilinis, paglalaba, pag-aalaga sa mga nakababatang kapatid at pangunguha ng kahoy para sa pagluluto.
Kaya naman madalas niyang tawagin si Antonia na "Bulaklak ng Aking Buhay."
Noong siya ay sampung taong gulang, sumali si Antonia sa isang grupo ng mga kabataan na tinatawag na “Catholic Action”. Naisip niya na ito ay isang magandang karanasan at sinabi na ito ay “nakakatulong sa isang tao na maging mabuti." Ang paggalang at paglakad sa pakikipagkaibigan kay Kristo ang naging kanyang unang priyoridad.
Noong umaga ng Mayo 17, 1935, matapos na magsimba, habang pauwi mula sa pag-iipon ng kahoy sa isang kagubatan kasama ang isang kaibigan, si Antonia ay inatake mula sa likuran ng isang binatilyo na nagngangalang Ignazio Catigu. Hinawakan siya nito sa kanyang mga balikat at sinubukang itulak sa lupa habang ang kanyang kaibigan ay sumisigaw at tumakbo upang humingi ng tulong. Dalawang beses na nagawang makatakas ni Antonia ngunit natumba siya sa ikatlong pagkakataon at doon pinalo siya nito ng bato sa mukha at ulo. Ang huling suntok ay naging dahilan upang mabasag ang kanyang bungo at masira ang kanyang mukha. Bagama't sugatan, nilabanan ni Antonia ang tangkang panghahalay sa kanya. Nang matagpuan, ang kanyang katawan ay nasa malagim na kalagayan.
Sa autopsy, natukoy ng mga doktor na ang katawan ni Antonia ay hindi makasalanang nalabag.
Hindi nagtagal ay nahuli si Catigu at nahatulan ng kamatayan.
Oktubre 5, 1935, ang miyembro ng Catholic Action na si Venerable Armida Barelli, OFS ay nakipagpulong kay Pope Pius XI at ipinaalam sa kanya ang pagiging aktibo ni Mesina sa grupo, ganun din ang pagpatay sa kanya.
Ang maganda at banal na si Antonia ay namatay bilang Martyr of Holy Purity sa edad na labinlima. Iprinoklama bilang beata ni Saint Pope John Paul II si Antonia Mesina noong ika-4 ng Oktubre, 1987 sa St. Peter's Square at tinagurian siyang Martyr "in defensum castitatis" o “in Defense of Chastity."
Sa lugar kung saan namatay si Beata Antonia Mesina ay itinayo ang isang krus na may mga salitang "Antonia Mesina, pure and strong."