Blessed Pier Giorgio Frassati: Man of the Eight Beatitudes
Si Pier Giorgio Michelangelo Frassati ay ipinanganak sa Turin, Italy noong Abril 6, 1901.
Ang kanyang ina, si Adelaide Ametis ay isang pintor samantalang ang kanyang ama na si Alfredo ay ang tagapagtatag at direktor ng pahayagang "La Stampa," at naging maimpluwensya sa pulitika ng Italya, bilang isang Senador at Ambassador sa Alemanya.
Noong Hunyo 19, 1911, siya at ang kanyang kapatid na si Luciana ay tumanggap ng sakramento ng Unang Komunyon. Sa edad na 12, nagpasya siyang tumanggap ng komunyon araw-araw hanggang sa kanyang kamatayan.
Sa murang edad, sumali si Pier Giorgio sa Marian Sodality at sa Apostolado ng Panalangin. Nakakuha rin siya ng pahintulot na tumanggap ng komunyon araw-araw na bihira noong panahong iyon.
Si Pier Giorgio ay isang kabataang maghilig sa sports, partikular na ang pag-akyat sa bundok. Mayroon din siyang malalim na pagpapahalaga sa teatro, opera, museo, at tula.
Siya ay nag-aral sa Royal Polytechnic University of Turin bilang isang inhinyero sa pagmimina.
Bagama't itinuturing niya ang pag-aaral na una sa kanyang mga tungkulin, hindi siya inilayo nito sa pagiging aktibo sa pulitika at lipunan.
Nabuo sa kanya ang malalim na buhay espirituwal na hindi niya atubiling ibinabahagi sa kanyang mga kaibigan. Ang Banal na Eukaristiya at ang Mahal na Birhen ang dalawang haligi ng kanyang mundo ng panalangin. Sa edad na 17, sumali siya sa St. Vincent de Paul Society at inialay ang marami sa kanyang bakanteng oras sa paglilingkod sa mga maysakit, pag-aalaga sa mga ulila at nangangailangan.
Noong 1919, sumali siya sa Catholic Student Foundation at sa organisasyong kilala bilang Catholic Action. Siya ay naging aktibong miyembro ng People's Party na nagtataguyod ng panlipunang pagtuturo ng Simbahang Katolika batay sa mga prinsipyo ng encyclical letter ni Pope Leo XIII, ang Rerum Novarum.
Noong 1921, siya ay masigasig na tumulong sa pag-organisa ng unang kombensiyon ng Pax Romana, isang asosasyon na may layunin na pag-isahin ang lahat ng mga estudyanteng Katoliko sa buong mundo para sa layunin ng pagtutulungan sa pangkalahatang kapayapaan.
Ang pagkahilig sa mga sulat ni St. Paul ay nagbunsod sa kanya na maging masigasig para sa pagkakawanggawa at ang maalab na mga sermon ng Renaissance preacher at reformer na si Girolamo Savonarola at ang mga isinulat ni St. Catherine ng Sienna ay nagtulak sa kanya noong 1922 na sumapi sa Lay Dominicans (Third Order of St. Dominic.). Pinili niya ang pangalang Girolamo alinsunod sa pangalan ng kanyang personal na hinahangaan na si Savonarola.
Bago matanggap ang kanyang degree sa unibersidad, si Pier Giorgio ay nagkasakit ng polio na pinaniwalaan ng mga doktor na nakuha niya mula sa mga maysakit na kanyang inalagaan.
Ngunit kahit sa huling sandali ng kanyang buhay, nanatili ang kanyang pag-aalala para sa mga mahihirap. Gamit ang kanyang paralisadong kamay upang isulat ang isang tala na humihiling sa isang kaibigan na painumin ng gamot ang isang maysakit na nagngangalang Converso.
Pagkatapos ng anim na araw ng matinding paghihirap ay namatay si Pier Giorgio sa edad na dalaawampu't-apat noong Hulyo 4, 1925.
Libo-libo ang dumating sa kanyang libing. Marami sa mga mahihirap at nangangailangan na kanyang pinaglingkuran sa nakalipas na pitong taon ay nagpahayag ng pakikiramay sa kanyang naiwang pamilya.
Hindi inaasahan ng kanyang mga magulang ang dami ng mga mahihirap at nangangailangan na pinaglingkuran ng kanilang anak. Ngunit ganun din naman ang pagkagulat ng mga taong ito nang malaman na ang kanilang kaibigan ay tagapagmana ng isang mayaman at sikat na pamilyang Frassati.
Sa buong buhay niya, nakuha ni Pier Giorgio mula sa Ebanghelyo ang kanyang pagmamalasakit sa hustisya at ang kanyang pagnanais na pangalagaan ang mga maysakit. "Dinadalaw ako ni Hesus araw-araw sa Eukaristiya at mapagpakumbaba ko Siyang dinadalaw sa pamamagitan ng pagbisita sa mga dukha."
Noong Marso 31, 1981, ang kanyang mga labi ay natagpuang hindi naagnas at ito ay inilipat mula sa libingan ng pamilya Frassati patungo sa Cathedral of St. John the Baptist sa Turin, Italy.
Sa kanyang beatipikasyon noong Mayo 20, 1990, ang St. Peter’s Square ay napuno ng libu-libong tao. Tinukoy siya ni St. John Paul II bilang “Man of the Eight Beatitudes.”
Maraming mga manlalakbay, lalo na mga estudyante at kabataan ang pumupunta sa libingan ni Blessed Frassati upang humingi ng pabor at lakas ng loob na tularan ang kanyang halimbawa.
Ang kapistahan ni Blessed Pier Giorgio Frassati ay ipinagdiriwang tuwing ika-4 ng Hulyo.
Source: https://www.catholicnewsagency.com/saint/pier-giorgio-frassati-736
https://www.facebook.com/photo/?fbid=650838728948320&set=pcb.650838978948295