Bukang-liwayway
“Huwag kang matatakot sapagkat ililigtas kita.
Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.
Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita;
tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod;
dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog,
hindi ka matutupok. (Isaias 43:1-2)
Taong isang libo siyam na raan at walumpu (1980), sa probinsya ng South Cotabato, ay sinilang ang isang probinsiyana na bininyagan sa pangalang Angela.
Isang mahirap at naghihikahos na pamilya ang aking kinalakhan. Lima kaming magkakapatid at ako ang bunso.
Sa kabila ng hirap sa buhay ay sinikap ng aking mga magulang lalo na ng aking ina na buhayin kaming magkakapatid sapagkat sa di inaasahang pangyayari ay naghiwalay ang aming mga magulang ngunit di naglaon ay nagkabalikan din.
Isang napakagandang pagkakataon ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos na makapag-aral sa kolehiyo. Sa loob ng limang taon sa kolehiyo, pinagsikapan kong pagsabayin ang pag-aaral at pagta-trabaho sa isang unibersidad bilang isang self-supporting student. Ginawa ko ang aking makakaya upang magkaroon ng sariling panustos sa aking mga pangangailangan sa pag-aaral. Naniniwala ako sa kasabihang, "Poverty is not a hindrance to education." Tunay ngang napakabuti ng Diyos at ako ay nakapagtapos ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Science Major in Religious Education, sapagkat naniniwala ako na "God will do the rest, as long as you did your best."
Sa taong dalawang libo at tatlo (2003), isang supresa naman ang ipinagkaloob ng Diyos sa akin dahil ako'y nakapasok sa Mother of Life Catechetical Formation at doon ang dami kung natutuhan sa aking mga formators lalo na kina Miss Reyes at Miss Recio. Sa kabila ng maraming pangamba at takot na baka hindi ko makayanan ang lahat, naramdaman ko na hindi ako pinabayaan ng Diyos.
Ako ay na assign sa Diocese ng Caloocan at naging isang youth animator noong 2004. Bilang Youth Animator, kami ay pinadadala sa iba’t ibang Diyosesis kasama ang mga kabataan para sa CFAM youth gathering. Doon ko rin nakilala ang aking asawa na si Noel. Isa siyang speaker sa nasabing kaganapan at siya ay namamasukan sa MAPSA. Noong mga panahong iyon, ang CFAM at MAPSA ay may mga pagkakataong nagsasama sa isang malaking pagdiriwang at doon ko siya nakita na aktibong nakikiisa.
Isang araw habang ako ay naglalaba, may biglang tumawag sa aking cellphone at nang sinagot ko, si Sir Noel pala. Inaya niya akong lumabas dahil may sasabihin daw siyang mahalaga sa akin. Habang nasa jeep, iniisip ko kung bakit gusto niya kaming magkita. Parang bagong bago ito sa akin.
Nang makarating na ako sa aming tagpuan, nakahanda na ang lahat. Sabi ko sa kanya, “Bakit po Sir Noel? Ano pong meron?” Parang sira lang ako sa aking pagtatanong. Mukhang alangan pa siyang magsalita, sinabi niyang huwag na lang daw siyang tawaging sir…Noel na lang. “Hala! Bakit naman po sir?” ang sabi ko. Hindi ko talaga maintindihan kung ano ang nangyayari. Hanggang sa sinabi niya, “Pwede ba kitang ligawan?” Halos hindi ko alam ang aking isasagot. Wala sa isip ko na siya ay manliligaw sa akin dahil ang pagkakilala ko sa kanya ay “high achiever,” magaling, matalino, palaging nasa harap ng stage at very confident.
Doon nagsimula ang panliligaw at panunuyo ni Sir Noel sa akin. Inabot din ng isang taon ang aming pagkakakilanlan sa isa’t isa. Nakita ko sa kanyang katauhan ang mga katangian na aking hinahanap sa isang lalaki. Hindi nagtagal nagdesisyon kaming magpakasal noong April 6, 2013. Siya ay 43 years old na noon at ako naman ay 32 years old. Makalipas ang isang taon ay biniyayaan kami ng isang anak na lalaki, si John Francis. Masayang masaya kaming mag-asawa sa kanyang pagdating.
Si Noel ay isang responsableng asawa at ama. May takot sa Diyos, mapagmahal, at may positibong pananaw sa buhay. Ramdam na ramdam ko ang kanyang tunay at tapat na pagmamahal sa aming mag-ina at sa abot ng kanyang makakaya ay ginagawa niya ang lahat para mapadama at maparanas sa amin na kami ay mahalaga para sa kanya.
Nakita ko rin na maraming nagmamahal sa kanya dahil siya ay isang mabuting tao, masipag sa trabaho, may dedikasyon, may matatag na paninindigan o disposisyon sa buhay, masayahin, palasimba at may debosyon sa Mahal na Inang Maria.
Noong April 6, 2015, masaya naming ipinagdiwang ang ikalawang taong anibersaryo ng aming pag-iisang dibdib. Masaya kami dahil maraming dumating na bisita para makisalo at makibahagi sa aming anibersaryo sa kasal.
April 14, 2015, isang linggo matapos ang aming anibersaryo, ala-una ng hapon ng biglang tumunog ang aking telepono at nang sinagot ko, hindi ko agad nakilala ang boses. “Angela si Father Bong Gino ito, huwag kang mabibigla ha…si Noel, nasa ospital ngayon, sa ICU pwede ka bang pumunta dito.”
Hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman sa mga oras na iyon. Madaling araw palang ay lumuwas na kami pa Maynila. Mahaba at matagal na byahe ang aming naranasan bago kami makarating sa ospital at noong kami ay nakarating na sa ICU, maraming tao sa labas. Alam ko ang iba doon ay kanyang mga kaibigan at kakilala. Sa loob naman naroroon si Ms. Precy. Niyakap niya ako nang mahigpit at ako naman ay humagulgol na sa pag-iyak. Nakita kong puno ng apparatus ang aking asawa at walang malay. Sinabi ng doktor na brain dead na siya at nagkaroon na ng blood clot dahil siya ay naputukan ng ugat sa utak at apparatus na lang ang nagbibigay ng buhay sa kanya.
Napakabigat ng aking kalooban, pakiramdam ko ay dumilim bigla at huminto ang aking mundo. Dagli akong pumunta sa chapel, nakipag-usap sa Diyos at humingi ng isa pang pagkakataon.
Lumipas ang maraming oras, walang tulog at pahinga ang aking kalooban, panay tunog ng orasan lamang aking naririnig, tila may mensaheng nais iparating. Sumapit ang ikatlong araw sa ganap ng alas-tres ng hapon, huminto ang tunog ng heart beat monitor. Tatlong doktor at nurses ang pumasok at sinubukang irevive ang aking asawa, pero walang response. Pakiramdam ko tuluyan nang bumuhos ang pinakamalakas na unos sa aking buhay. “Panginoon ito na ba ang sagot mo sa aking mga panalangin? Bakit?“ Si Noel ay tuluyan nang binawian ng buhay.
Walang mga oras, araw at gabi na hindi ako umiiyak. Mahirap mag-isa sa buhay lalo na ang mawalan ng asawa na aking katuwang at kaibigan. Sinikap kong magpakatatag para sa aming anak na si Francis. Ngunit sa paglipas ng panahon habang si Francis ay lumalaki siya ay naging sakitin. Parang wala na yatang katapusan ang mga pagsubok sa aking buhay.
Halos pitong taon na ang nakalipas mula noong mamatay si Noel. Bilang isang nanay at tatay, sinisikap kong itaguyod ang aking anak sa tulong ng aking pamilya at mga malalapit na kaibigan. Tunay ngang ang Diyos ay hindi nagpapabaya, may mga tao siyang pinadadala upang maging instrumento ng kanyang mga biyaya.
Bilang isang katekista, hindi naging madali ang pagtanggap at paghilom ng mga pangyayari, ngunit natuto akong ipaubaya sa Diyos ang lahat. Patuloy akong nananalig at umaasa sa Kanyang awa at pagmamahal at naniniwala na anumang pagsubok ang dumating ay pamamaraan lamang upang higit akong pagtibayin sa aking pananampalataya.
Malaking bagay rin ang pagiging isang katekista at pamilya ng CFAM upang ako'y magkaroon ng panibagong lakas at sigla. Hanggang sa ngayon ako’y patuloy pa ring naglilingkod bilang isang katekista sa parokya ng Ina ng Laging Saklolo.