GOD’S WILL
Isang mabiyayang karanasan ang ipinaranas sa akin ng Diyos sa di ko inaasahang pagkakataon. Isang pangarap lamang noon, na ngayon ay natupad. Kaya nga talaga namang “Kinalulugdan ng Diyos ang naglilingkod sa Kanya nang buong puso. Ang panalangin nito’y agad nakaaabot sa langit” (Sirac 35:16).
Kapag palaging ipinagdarasal at tapat kang naghihintay sa isang bagay na ninanais mo, siguradong ipagkakaloob ito sa iyo ng Diyos…siksik, liglig at umaapaw na kaligayahan tulad ng naranasan ko.
Saan nga ba nagsimula ang pangarap na ito? Bata pa lamang ako, pangarap ko nang makapunta sa bansang Italia. Naalala ko nga, may isang pagkakataon noong college na tinanong kaming magkakaklase ng aming dean, “After 10 years, ano na ang mga nagawa mo o na-achieve sa buhay?”
Simple lang ang isinagot ko: Una, may maganda nang trabaho, ikalawa may sarili nang pamilya at ikatlo makapagtravel sa iba’t ibang bansa lalo na sa Italia at Israel. Kaya naman tamang-tama ang pagkakataon na ito na magkaroon ng ganitong opurtunidad sa CFAM (Catechetical Foundation of the Archdiocese of Manila) at ako’y nagdesisyon na sumama upang maging bahagi sa 3rd International Congress on Catechesis at makapag pilgrimage na rin.
Ngunit bago ako nagdesisyon marami muna akong “what if’s”, gaya ng…Kaya ko ba? Sigurado ba ako? at iba pa. Ngunit sabi nga, “Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin” (Kawikaan 16:3). Nagdesisyon ako at pinagkatiwala ko lahat sa Diyos. Tama nga, maraming naging instrumento ang Diyos upang punan ang lahat ng aking pangangailangan mula sa mabubuting sponsors.
Nagsimula ang magagandang kwento ko papuntang Italia mula August 29 hanggang September 10, 2022 sa mga lugar ng Rome, Assisi, Cascia, Manopello, Lanciano, Monte Sant’ Angelo, Pompei, Naples, at Genezzano. Sa paglalakbay na ito may tatlong bagay akong nais na ibahagi mula sa nag-aalab kong puso: Una, ang biyaya ng pagiging buhay na saksi ng pananampalataya, ikalawa, ang biyaya ng pakikipagtagpo at ikatlo, ang biyaya ng pakikipagkaibigan.
Lagi akong excited kahit saan kami magpunta at palagi akong namamangha sa ganda ng Italia lalo na sa Roma. Makikita at madarama mo sa mga makasaysayang Simbahan at mga lugar kung paano lumago ang pananampalataya sa mga nagdaang siglo.
Halina, samahan n’yo ako sa paglalakbay na ito…
Ang four major basilica sa Italia: Archbasilica of St. John in the Lateran, kilala bilang “Mother of all the Churches in Rome and in the world.” Basilica of St. Paul Outside the Walls kung saan makikita ang burial place of Apostle Paul. Ang Basilica of St. Mary Major (The Church of Santa Maria Maggiore) ito ang kauna-unahang Simbahan na dedicated to the Virgin Mary at matatagpuan ang highest bell tower in Rome at ang St. Peter’s Basilica kung saan makikita ang isa sa mga obra maestra ni Michaelangelo Buonarroti na Pieta.
Ang mga pangunahing Papal Basilica ng Roma ay bukod tangi sa ibang mga simbahan dahil sa kanilang kasaysayan at tradisyon. Karamihan ay itinatag noong panahon ng paghahari ng Emperador na si Constantine (306-337 AD) nang kinilala ang Kristiyanismo bilang opisyal na relihiyon ng Imperyong Romano. Ang ilan, tulad ng Saint Mary Major at Saint Peter's Basilica ay nagsilbing opisyal na tirahan ng Santo Papa. Ang iba, tulad ng Saint John in Lateran ay nagsisilbi pa rin bilang kanyang opisyal na upuan bilang Obispo ng Roma. Ang nagbubuklod sa bawat isa sa apat na pangunahing papal basilica ay ang Banal na Pintuan nito na nagbubukas sa mga taon ng Jubileo na itinalaga ng Papa.
Napakaganda ng bayan ng Assisi kung saan matatagpuan ang Basilica of Saint Francis of Assisi, doon nakalagak din ang kanyang libingan at ang Basilica of Saint Clare kung saan naman naroroon ang kanyang incorrupt body. Matatagpuan din sa mga basilikang ito ang mga frescoes o paintings, ang orihinal na San Damiano Cross na siyang nangusap kay San Francisco habang siya ay nananalangin na muling itayo ang simbahan, gayon din ang iba’t ibang relics nina St. Francis at St. Clare.
Sa Basilica of Saint Mary of the Angels, naroroon ang Porziuncola Chapel, isang maliit na kapilya kung saan nagsimula ang kilusang Pransiskano, ang pinakasagradong lugar para sa mga Pransiskano. Kaya naman isa ito sa inaabangan kong puntahan sapagkat malapit sa aking puso ang mga Pransikano na isa sa mga naging instrumento ng paglago ng aking pananampalataya. Sa lugar na ito rin makikita ang Thornless Rose Bush kung saan si St. Francis ay nagpapagulong-gulong sa tuwing may tukso sa kanya laban sa kalinisan.
Sa Santa Maria Maggiore Church naroroon naman ang libingan ni Blessed Carlo Acutis na siyang kauna-unahang Millennial Saint at kilala sa kanyang sinabi “To be always united with Jesus, this is my plan of life.”
Ilan pa sa aming mga binisita ay ang Basilica ng “Saint of impossible cases” na si St. Rita de Cascia kung saan naroroon din ang kanyang incorrupt body. Ang Basilica del Volto Santo ng Manopello kung saan makikita naman ang Holy Face of Manopello at ang St. Legonziano Church kung saan naganap ang kauna-unahang “Eucharistic miracle”. Isang nakabibighaning lugar naman ang Shrine of St. Padre Pio sa San Giovanni Rotondo. Dito ramdam na ramdam kong si St. Padre Pio nga ay Patron Saint of Healing at tunay ang kanyang mga katagang "Pray, hope and don't worry."
Ang Santuary of Saint Michael the Archangel naman ay makikita sa Monte Sant’ Angelo. Sa Naples binisita namin ang Pompei, ang Duomo di San Gennaro at ang The Lavish Royal Palace, isang kastilyo na mula pa noong ika-13 siglo. Ang miraculous image of Our Lady of Good Counsel naman ay matatagpuan sa Shrine of Our Lady of Good Counsel.
Sa Roma, binisita namin ang Monument Vittorio Emmanuelle II, Circus Maximus, Colosseum, Ach of Constatntine, Roman Forrum, Piazza Navona, Pantheon Church, The Spanish Steps at ang Trevi Fountain kung saan maaring maghagis ng “coins” o barya. Bawat coin ay may katumbas na kaganapan sa iyong buhay. Ayon sa mga kwento, kapag ikaw ay naghagis ng one coin: you will return to Rome, two coins: you will fall in love, three coins: you will marry the person that you met. Mangyari kaya sa akin ang katumbas ng baryang inihagis ko? Pinuntahan din namin ang Vatican Museum at ang Sistine Chapel ang lugar kung saan hinahalal ang bagong Santo Papa.
Ang Holy Steps (Scala Sancta) ay isang hagdan na mayroong 28 steps. Hindi ito ordinaryong hagdan sapagkat inaakyat ito gamit ang mga tuhod o paluhod lamang. Hindi naging madali ang aming pag-akyat ngunit pinagsikapan kong marating at matapos. Sa Basilica of the Holy Cross in Jerusalem makikita ang mga relics ng mga ginamit sa pagpapahirap sa ating Panginoon. Masasabi kong ang lahat ng mga simbahan, mga lugar, paintings at architectures ay buhay na buhay na nagtuturo ng kagandahan ng ating pananampalataya.
Pagkatapos ng mahabang paglalakbay sa mga beautiful sites at historical places, kami naman ay nakibahagi sa 3rd International Congress on Catechesis na pinamunuan ng Vatican’s Dicastery for Evangelization sa pangunguna ni Archbishop Rino Fisichella. Humigit kumulang 1,400 catechists ang dumalo sa pagtitipon na ito at galing sa iba’t ibang bansa sa buong mundo upang pagnilayan ang temang “The Catechist, Witness of the New Life in Christ” na isinagawa sa Paul VI Hall sa Vatican City.
Ang ikatlong catechetical congress ay nakatuon sa paraan ng pamumuhay ng Kristiyano habang ito ay dumadaloy mula sa diwa ng mga Beatitudes. Dumalo rin sa nasabing event na ito ang Santo Papa at kanyang mainit na binati ang lahat ng naroroon. Hinimok niya ang lahat ng mga katekista na huwag magsawa na italaga ang kanilang sarili sa kanilang napakahalagang misyon sa Simbahan at pagyamanin ang ministeryo ng katekesis.
Hindi lamang nabusog ang aking mga mata sa mga naggagandahang istruktura sa Italia, maging ang aking tiyan ay napuno rin ng masasarap na pagkain tulad ng pasta, bread, fruits at marami pang iba.
Sa karanasang ito na makita mismo ng aking mga mata ang mga lugar na minsa’y aking pinangarap na marating, masasabi kong ang biyaya na maging buhay na saksi ng ating pananampalataya ay tunay na nag-uumapaw.
Isa pang biyaya na nais kong ibahagi ay ang biyaya ng pakikipagtagpo. Ang maranasan ang pambihirang pagkakataon na makita, malapitan at makapagdasal lalo na sa mga labi nina St. Clare, Blessed Carlo Acutis, St. Rita of Cascia, Padre Pio, St. John XXIII, Blessed Stephen Bellesini, Pope Innocent XI, St. Massimiana at San Giovanni Rotondo. Ang makita ang mga puntod ng mga santo na sina St. Francis, Pope St. John Paul II, Blessed John Paul I, St. Paul, St. Januarius, Saint Restituta, Pope Innocent IV at marami pang iba na talaga namang mamamangha ka sa kanilang pagbibigay ng sarili para sa pananampalataya.
Labis din akong nagpapasalamat sa pagkakataong makatagpo ang Santo Papa Francisco sa ikatlong araw ng aming pagdalo sa 3rd International Congress on Catechesis. Isang malaking hamon para sa akin ang kanyang mensahe: “Never tire of being catechists. Do not be afraid: if the Lord calls you to this ministry, follow him! You will be participants in the same mission of Jesus of proclaiming his Gospel and introducing others to the filial relationship with God the Father.” Ngayon mas ramdam ko at masayang tinatanggap ang misyon na ito upang ibahagi sa iba.
Ang biyaya ng pakikipagkaibigan, sa karanasan kong ito, nabigyan ako ng pagkakataon na mas makilala pa ang kapwa ko katekista. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan ng aming mga saya, pagmamalasakit at pagmamahal sa bawat isa, kami’y nakabuo ng isang munting pamilya na kailanman ay babaunin kong isang yaman.
Hindi matatapos ang paglalakbay na ito nang hindi ako nakatatangap ng Sakramento ng Kumpisal na isang pambihirang pagkakataon.
God’s will at maituturing kong isang napakagandang regalo sa akin ng Diyos ang natatanging karanasang ito na kailanma’y hindi ko malilimutan. Aking palalaguin at pagyayamanin ang aking ugnayan sa Diyos na lalo pang pinag-alab sa karanasang ito. Kaya naman “Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus” (1 Tesalonica 5:16-18).