“IKAW AT AKO”
ni Jeffrey at Ruzzel Temporaza
“Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Ang pag-ibig ay hindi nagmamapuri o nagmamataas. Ito ay hindi nag-uugali ng di-nararapat, hindi ito naghahangad ng sariling kapakinabangan, hindi madaling magalit at hindi nag-iisip ng masama. Hindi ito nagagalak sa kalikuan kundi nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay nagtatakip ng lahat ng bagay. Ito ay naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagbabata sa lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi nagwawakas.
Ngayon ang tatlong ito ay mananatili, ang pananampalataya, ang pag-asa at ang pag-ibig. Ngunit ang pinakadakila sa tatlong ito ay ang pag-ibig.” 1 Corinto 13: 1-13
Sa apat na sulok ng palaruan ng Don Bosco-Tondo nagsimula ang lahat…
Sa di kalayuan, isang babaeng di naman katangkaran na may kulot na buhok, mala-tingting na braso at may magagandang mga mata ang walang pagod na tumatakbo at tumatawa ng malakas. Napakasarap niyang panoorin, punung-puno siya ng enerhiya sa kanyang maluwang na damit na nakatupi hanggang braso na para bang handang lumaban.
Pamilyar sa akin ang lugar na iyon ngunit para akong naliligaw sa pagkatulala sa iyo. Nahihiya man ako dahil sa madumi kong damit at nanggigitata kong tuwalya na ipinupunas sa aking pawisang katawan, naglakas loob pa rin akong itanong ang iyong pangalan sa isang kaibigan. Ruzzel, napakagandang pangalan na simula noon ay umukit na sa aking puso’t isipan.
Aminadong torpe, dinaan ko sa biro ang aking paraan upang mapalapit sa iyo. Ganun pa man, nagsimula akong ihatid ka at ang aking mga simpleng biro ay bentang banta naman sa iyo. Lumipas ang dalawang buwan, kasabay ng aking dasal na makamit ang matamis mong “oo,” sa mismong araw ng kaarawan ng ating Mahal na Inang Maria ay hindi naman ako nabigo at sinagot mo ako. Walang pagsidlan ang aking saya nang mga araw na iyon. Doon, nagsimula tayong mangako sa isa’t-isa na “Ikaw at Ako” hanggang sa dulo.
Kasabay ng pagbuo natin ng ating mga pangarap ay nagsimula rin tayong tumanggap ng formation bilang volunteer catechists sa ating parokya. Linggo-linggo tayong naghahanda ng mga gawain at katesismo para sa mga bata, kaya naman, unti-unti rin tayong lumago bilang ate at kuya sa mga batang ito na ipinagkatiwala sa atin. Sa panahong ito, sinulit natin ang mga araw na tayo ay magkasama. Halos araw-araw na naglalaro ng volleyball at kung sumasapit ang gabi ay naglalakad sa kahabaan ng Tondo.
Sumapit ang ating unang anibersaryo, naalala ko pa ang sinabi ko sa iyo noon: “Pag nagawa natin na magsama sa isang linggo, kaya natin ng isang buwan, at kung kaya natin ng isang buwan ay kaya natin ng isang taon, at kung kaya natin ng isang taon, kaya natin ng isang dekada.” Hinayaan natin ang Diyos na manguna sa landas na ating tatahakin kahit alam natin na hindi tayo sigurado. Sabay tayong nangarap na balang araw ay makakamit natin ang ating mga pangarap.
Isang malaking biyaya ang ibinigay sa iyo ng Diyos nang magkaroon ka ng pagkakataon na maging scholar sa Santa Isabel College sa kurso na Religious Education. Habang ako naman ay sumubok na sundan ang aking pangarap na makaakyat ng barko. Habang nasa kolehiyo, sinikap natin na magkaroon pa rin ng panahon para sa isa’t-isa. Natatawa ako sa tuwing maaalala ang pagkakataon na kumakain tayo sa mall dala ang ating baon at saka tayo paaalisin ng guard dahil hindi naman tayo bumili ng pagkain doon.
Makalipas ang dalawang taon, dumating ang isang pagsubok sa aking buhay. Isang pagsubok na kinakailangan kong mamili para sa ikabubuti ng pamilya. Sa gitna ng pagsubok na ito, naroon ka, hindi mo ako iniwan. Dahil sa pagsubok na ito, kinailangan kong tumigil sa pag-aaral, habang ikaw naman ay nagpatuloy. Iba’t-ibang uri ng trabaho ang aking pinasukan at kung minsan ay madaling araw na ako nakakauwi ngunit naghihintay ka pa rin na dumaan ako sa inyo at hinahandaan pa ng makakain.
Lumipas ang ilang taon, nakatapos ka ng kolehiyo sa kabila ng mga hirap na ating pinagdaanan. Natanggap ka sa Catechetical Foundation of the Archdiocese of Manila (CFAM) bilang ganap na katekista. Ako naman ay naging volunteer catechist at kalaunan ay fulltime catechist, na naging daan upang maging magkasama tayo sa paghahanap buhay at maging magkatuwang sa pagtulong sa pamilya.
Hindi natin napansin ang isang dekadang lumipas na tayo ay magkasama. Sabay na tumawa at umiyak, sabay na lumaban sa mga pagsubok sa buhay at higit sa lahat sabay na nangarap. Sa ikalabing-apat na taon ng ating anibersaryo, sa Antipolo Cathedral ay sinimulan nating harapin ang bagong yugto ng ating buhay nang hingin ko ang iyong mga kamay at yayain ka nang magpakasal. Sa wakas! Muli, sa kaarawan ng ating Mahal na Inang Maria, naganap ang matagal na nating inaasam-asam na pag-iisang dibdib, sa simbahan kung saan tayo unang nagkita at lumago bilang Kristiyano, sa Parokya ni San Juan Bosco sa Tondo. Hindi naging hadlang ang mga restrictions dala ng pandemic, ganun din ang malakas na buhos ng ulan upang ang dating “Ikaw at Ako” ay maging “isa” na lamang sa araw na ito, September 8, 2021.
Sa ngayon ay masaya nating hinihintay ang pagdating ng ating magiging anak. Ang bunga ng ating pagmamahalan.
Ganun na lamang ang aking pasasalamat sa Panginoon at ibinigay ka Niya sa akin. Wala talagang imposible sa nagmamahal. Walang hindi magagawa ang pag-ibig.