Kwento sa Misyon ni Abegail M. Bon
Nagtapos ako ng aking kursong Bachelor of Science in Religious Education sa Lumen Christi Catechetical Center, ang Institusyong pinamumunuan ng mga Franciscan Missionaries of Mary. Sa Banal na Misa ng pagtatapos na pinamunuan ni Msgr. Gerardo O. Santos ay naaalala ko pa rin ang mga sinabi niya sa kanyang homiliya na, “walang yumayaman sa pagiging katekista, hindi ka magiging mayaman sa materyal na bagay, ngunit yayaman ka sa Kaibigan.”
Tumatak ito sa aking puso sapagkat noon pa man ay nais kong maranasan na maglingkod sa Simbahan na hindi inaalintana ang kikitain at hindi naghihintay ng anumang kapalit. Sabi ko pa noon palagi, “God will provide!”, sabi nga ni Hesus, “…huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa inyong iinumin…” (Mateo 6:25-33). Ito ang pinanghawakan ko simula nung ako’y nagtapos sa kolehiyo at kailangan nang mag-apply. Nung mga panahong iyun ay lumapit ako sa mga madre at nakiusap na makituloy muna kahit isang buwan at kung pwede na mag sideline muna sa printing shop habang wala pang trabaho.
Binalak kong mag-apply sa isang pribadong paaralan, ngunit mas pinili ko na mag-apply sa Catechetical Foundation of the Archdiocese of Manila (CFAM) bilang isang Katekista. Taong 2011 buwan ng Mayo ng ma-hired ako at masaya ang aking mga naging karanasan sapagkat naramdaman ko ang paghuhubog na nakatulong sa akin upang lumago bilang isang katekista.
Sinubukan kong kumuha ng Board Exam (LET) at nakapasa ako. Ngunit sinabi ko sa aking sarili na payapa at masaya naman ako bilang katekista kaya nagpatuloy ako at umabot ng 12 Years sa ministry.
Taong 2018 ng ipatawag ako ng aming Minister na si Fr. Carlo Magno S. Marcelo. Tinanong niya ako kung ano ang plano ko sa buhay? Sinagot ko siya na “go with the flow” lamang ako. Noong mga panahong iyon maraming bagay rin ang gumugulo sa isipan ko. Nasa edad ako na kung saan hinahanap ko kung ano ba talaga ang misyon at papel ko sa mundo, saan ba ako tunay na sasaya? Ano pa kaya ang kaya kong ibigay? At saan pa ako uunlad? Noong mga panahong iyon ay matatapos ko na ang aking pag aaral sa Master’s Degree.
Tinanggap ko ang hamon na magmisyon sa ibang bansa at maglingkod sa isang Parokya, ang Simbahan ng Our Lady of Assumption. Isang maliit na kumunidad ng mga Kristiyano sa bansang Brunei.
Noong bumisita ako noong una ay nagustuhan ko ang aking karanasan. Naramdaman ko ang pagtanggap ng mga naglilingkod sa Simbahan at lalo na sa mabuting pakikipag ugnayan ng aming Obispo na si Cardinal Sim, kaya Sinabi ko noon na babalik ako para sa misyon. Para bang naaayon ang lahat, pagkabalik ko mula sa pagbisita sa bansang Brunei ay dumalo ako sa aming Solemn Investiture at natapos ko ang aking pag-aaral.
Natagalan ako bago nakabalik dahilan sa pag-aasikaso ko noon ng mga dokumento. Unang sabak palang sa misyon at talaga namang iniyakan ko ang aking mga pinagdaanan. Hindi naging madali ngunit ang bawat hakbang ang nagpatatag ng aking kalooban upang magpatuloy.
Dumating ang mga araw na nawalan ako ng tiwala sa aking sarili. Pakiramdam ko hindi ako umuusad at hindi naman ako nakakatulong. Pakiramdam ko hindi ako lumalago. Inilayo ko ang aking sarili sa iba at nawalan ako ng gana. Madalas kong sinisisi ang aking sarili sa tuwing mayroong hindi magagandang nagaganap sa mga aktibidad ng mga kabataan sa Parokya. Minsan pa ay may nagsabi sa akin na kung hindi na ako masaya ay mabuti pang bumalik na lamang ako sa Pilipinas! Naranasan ko ang mahusgahan at ikumpara sa iba. Pakiramdam ko wala akong kaibigan at karamay. Pakiramdam ko ay hindi ako karapatdapat sa misyon. Ang hirap pala mag-isa. Pero hindi ako sumuko at naging inspirasyon ko na lamang ang mga taong tumulong at nagtiwala sa aking kakayahan.
Habang ako'y nasa yugto ng pagtanggap at pagpapatawad, napagtanto ko na ang tunay kong kalaban ay ang aking sarili. Hindi ako dapat naging sensitibo, hindi dapat ako nagbigay-pansin sa mga negatibong opinyon ng mga tao sa paligid ko. Nakalimutan ko na ituon ang pag-unlad ng aking pananampalataya kay Jesus at nagpadala sa ang aking emosyon.
Sa kabila ng lahat, mas pinili kong maglaan ng atensiyon sa mga responsibilidad na nakaatang kasama ang iba pang mga katekista at mga kabataan sa parokya. Ang pagiging katekista ay isang karanasan na tunay na nagdulot ng kaligayahan sa akin. Mayroon kaming “monthly formation” na pinangungunahan ng aming minamahal na Obispo at mga pari. Sa mga pagtitipon tulad ng Catechist’s Retreat, natutuwa ako sa samahan at pagkakaisa na nararamdaman namin sa tuwing kami'y nagtutulungan kapag may mga catechetical activities para sa mga bata.
Sa Youth Ministry, kami ay masigla sa pagsasagawa ng iba't-ibang mga gawain tulad ng Famine, Festival of Praise, LifeNite, Taize Night, Fundraising Events, at Retreats para sa mga kabataang tatanggap ng Sakramento ng Kumpil at kami ay nagpupunta sa Kota Kinabalu, Malaysia para rito.
Naging bahagi rin kami ng misyon ng aming Obispo sa Sandakan, Sabah, Malaysia kung saan kami ay inatasang magbigay ng Retreat sa mga kabataan. Ito ay isang kakaibang karanasan para sa akin dahil sa kultura at wika na kanilang ginagamit. Bagamat may mga pagkakataong nahihirapan akong mag-communicate, nakabuo pa rin ako ng mga kaibigan at kami ay tinanggap nang malugod ng mga kabataan bilang mga facilitators sa kanilang grupo.
Sa panahon ng pagdating ng pandemya at nagkaroon ng lockdown, kinailangan naming magpatuloy sa aming mga gawain sa Simbahan, at ito ay naging posible dahil sa dedikasyon ng aming Cardinal na nangunguna. Pinaghandaan niya ang lahat upang matiyak na maabot pa rin ng aming mga parokyano ang Sakramento ng Banal na Misa. Kahit sa gitna ng krisis, ang aming Simbahan ay patuloy na nagserbisyo, at kami ay nagpapatuloy sa aming araw-araw na gawain, kahit may pangamba at takot.
Sa mga panahong iyon, kahit malayo ako sa aking pamilya ay natuklasan kong may mga taong handang tumulong at naging ikalawa kung pamilya. Ang pandemya man ay nagdala ng mga pagsubok, patuloy kaming nagtulungan at nagsama-sama sa aming misyon, kasama ang aming butihing Cardinal at mga kapwa pari.
Taong 2021, ay binalot kami ng kalungkutan at sinubok dahil sa pagkamatay ng aming mahal na Cardinal. Bagamat marami ang nagbago matapos ang kanyang pagkawala, alam namin na ang kanyang mga adhikain ay magpapatuloy. Sa ilalim ng pamumuno ng aming Kura, si Fr. Arin Sugit, kami ay patuloy na naglalakbay, at ginabayan ng mga programa na iniwan niya para sa aming Simbahan.
Marami akong natutunan sa mga pagsubok na aking pinagdaanan. Naunaaan ko ang sinasabi ng Diyos na hindi solusyon ang pagsuko sa bawat pagkabigo. Hanggang ngayon ay patuloy akong nabibigo at bumabangon. Hindi naman isang pitik ang tagumpay. Habang ang buhay ay nagpapatuloy bawat araw ay pagkakataon upang makibahagi sa misyon ni Kristo.
Ang bawat antas ng buhay ay may kasamang paglago kung handa tayo magiging bukas para dito. Sa isang Simbahang patuloy na naglalakbay ay nauunawaan ko na ang mundo ay puno ng ingay at opinyon. Maraming mga tao, lalo na ang mga kabataan, ang nakakaramdam na hindi sila napakikinggan. Sa mga pagkakataong ito, natutunan ko na pakinggan ang iba, ang mundo at ang tinig ng Diyos.
Ang panalangin at Banal na Eukaristiya ang lakas at sigla ng katekista. Sinikap kong magkaroon ng mas malalim na pakikipag-ugnayan sa Panginoong kaya naman nagkaroon ng kahulugan ang lahat sa akin. Ipinagpasalamat ko hindi lamang ang mga biyayang aking tinatanggap kundi maging ang mga hindi mabubuting nagaganap.
Tunay nga na may “Biyaya sa Paglilingkod”. Naniniwala ako na ang aking buhay ay punong-puno ng biyaya, siksik liglig at umaapaw. Kaya naman ngayong 2023 sa ika-limang taon ng aking paglilingkod bilang isang misyonera sa Brunei ay nabigyan ako ng pagkakataon na makasama sa isang Pilgrimage sa France. Isang hindi inaasahang biyaya nang ako ay tulungan ng aming kura at ng mag-asawang sina Mr. and Mrs. Henry King upang maisakatuparan ang matagal ko nang mithiin na maranasan ang makasama sa isang Pilgrimage. Ito ang nagbigay daan upang muli kong balikan ang aking mga naging karanasan sa pagiging Katekista mula nang ako ay magsimulang tumugon sa tawag ng Diyos hanggang sa aking pagmimisyon. Sa Lourdes sa harapan ng Grotto ay ipinagpasalamat at ipinagdasal ko ang kabutihan ng puso ng mga taong malapit sa akin.
Tinawag ako ng Diyos sa aking Pangalan, at sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag ay naunawaan ko ang tawag ng Diyos sa akin para sa misyong ito. Ang aking buhay ay isang “Buhay ng Paglilingkod”. Ako’y araw- araw na tinatawag ng Diyos, hindi ako magsasawang tumugon at sambitin ang mga salitang, “Narito ako na lingkod ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita” (Lucas 1:38).
Tulad ng Mahal na Birheng Maria nawa ay matulad ang aking “Fiat” sa kanyang buong pusong pananalig ng may pagmamahal kay Jesus. Naalala ko noong pinag “exam” kami sa CFAM, isa sa mga katanungan doon ay “Paano mo nakikita ang iyong sarili sampung taon mula ngayon?” Sinagot ko iyon ng, isa parin akong Katekista na mayroong dedikasyon sa paglilingkod sa Simbahan. Nawa ang aking buhay ay maging isang buhay na saksi na patuloy na naglilingkod sa Simbahan. Mapalad ako sa aking pagtugon.
NB: Sa paglalakbay ng buhay na ito ni Abby ay natutuhan niyang mahalin ang buhay misyon at paglilingkod nang buong puso sa Simbahan.
Ito ang kanyang kwento ng pananampalataya at paglilingkod bilang katekista ng Archdiocese of Manila na ipinadala sa misyon sa ibang bansa. Ang mga alaala, pagsubok at aral na natutunan niya ay magpapatibay sa ating pananampalataya at pagnanais na patuloy na maglingkod sa Simbahan bilang mga katekista.
Sa kasalukuyan, si Abby ay patuloy na naglilingkod sa kanyang misyon na kung saan ang mga Kristiyano ay tinatawag na “minority” sapagkat karamihan ng mga naninirahan ay Muslim. Siya ay ka-lakbay ng mga kabataan na nagsusumikap na ibigigay ang sarili sa Simbahan. Isama natin siya sa ating mga panalangin, pati ang mga misyonero sa ibat-ibang bahagi ng mundo, upang patuloy na mag-alab ang kanilang pagsisilbi, patibayan ang kanilang pananampalataya at patnubayan sila sa araw-araw nilang gawain.