ANG PAGTAWAG AT PAGTUGON
“Sumunod kayo sa Akin at kayo’y gagawin Kong mamamalakaya ng mga tao.” – Mk.1:17
Sisimulan ko ang kwento ng aking buhay sa isang katanungang, “Bakit ako?” Katanungang paulit ulit kong tinatanong at pinagninilayan magpahanggang ngayon, na ang kasaguta’y paulit ulit din Niyang sinasagot: “Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol na iniluwal? Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang bunso, Ako’y hindi lilimot sa inyo kahit sandali…hinding hindi kita malilimot. Pangalan mo’y nakasulat sa Aking mga palad.” – Isaias 49:15-16 at ang aking tugon: “Pinili na ako ni Yahweh bago pa isilang at hinirang Niya ako para Siya’y paglingkuran.” Isaias 49:1b; “Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ni Yahweh, pinili Niya ako para maging lingkod Niya.” – Isaias 49:5a
Ako si FLORA NOLLEDO RESPLANDOR, panganay sa anim na magkakapatid. Lumaking maralita at salat sa mga materyal na bagay pero busog na busog sa pagmamahal ng aking mga magulang na sina Esperidion Leynes Resplandor at Adelina Prohibido Nolledo.
Bagama’t mahirap ang aming pamilya, pinalaki kaming kumikilala at may takot sa Diyos. Iyon nga lang hindi kami lumaki na lingo linggo’y nagsisimba. Nagsisimba lang kami tuwing Pasko at Biyernes Santo. Kung birthday namin, hindi nakakalimot si nanay na bigyan kami ng pambili ng kandila para itirik sa loob ng simbahan at magdasal, para sa mahal kong ina, simba na iyon. Ginugugol namin ang aming panahon sa pag-aaral, konting laro at maraming oras sa pagtatrabaho. Kahit babae, sinanay akong magtrabaho sa bukid tulad ng pagtatanim at pag-aani ng palay, magkopra ng niyog at iba pang gawain tulad ng pagsisibak ng kahoy, mag-igib ng tubig at sumama sa pangingisda. Kahit naghihirap ay masaya ang aming pamilya. Bilang panganay at pangalawang magulang ay hinubog din ako na alagaan at protektahan ang aking mga kapatid. Responsibilidad na nakaatang sa akin mula noon, lalo na ngayon na ulila na kami. Paghuhubog na umabot sa mas malaking responsibilidad.
Noong nasa elementary pa ako, gustong gusto kong makinig sa pagtuturo ng aming katekista. Pero noong nasa high school na, isa ako sa unang tumatakas lalo kapag uwian na. Ang katekista namin noon ay si Ms. Patria G. Limpin, NDV, lagi siyang nakangiti at madalas na nakikipagkwentuhan sa amin. Hindi ko alam na siya pala ang gagamiting instrumento ng Diyos para sa Kanyang natatanging pagtawag sa akin. Minsan ay naitanong n’ya kung sino ang hindi makapagpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo at isa ako sa nagsabing “ako po” dahil hindi kaya ng aking mga magulang. Tinandaan pala niya ako at ipinagtanong kung saan ako nakatira at hindi siya nabigo, inabutan niya akong abala sa pag-aasikaso ng pagkokopra ng niyog. Naalaala ko at malinaw na malinaw pa sa akin hanggang ngayon ang kanyang tanong, “Gusto mo bang maging katekista?” Hindi ko na tinanong kung ano at paano magiging katekista? Bakit ako? Kaya ko ba? Ang tanging alam ko ay ngumiti lang ako habang nakatingin sa kanyang mga mata, parang mga mata ni Jesus na nagsasabing: “Sumunod kayo sa Akin at kayo’y gagawin Kong mamamalakaya ng mga tao.” – Mk.1:17
Nakita kong masayang masaya si Ms. Limpin sabay sabing bukas, alas otso ng umaga punta ka sa bahay namin sa tabi ng Simbahan, may miting tayo. Tapos kinausap na niya ang aking mga magulang at nakita kong pumayag din sila.
Pagkatapos ng ilang linggong pagsasanay at paghuhubog ay inihanda din ako sa pagtuturo sa mga pampublikong paaralan hindi lamang sa sentro kundi maging sa mga barangay na sakop ng Infanta, Quezon. Naging volunteer catechist ako doon sa loob ng 5 taon. Nabago ang takbo ng aking buhay, bukod sa pamilya ay pinagtutuunan ko rin ng pansin ang aking mga gawain bilang katekista. Hindi naging madali dahil bilang panganay ay inaasahan ng aking mga magulang na makakatuwang ako sa pagtataguyod ng aming pamilya pero wala akong maitulong na pinansyal sa kanila. Kaya kung ako’y may kailangan, hindi ako basta makahingi sa kanila. Ang alam ko, kapag walang pamasahe patungo sa mga barangay ay nilalakad ko kahit ilang kilometro pa iyan para lang maturuan ang mga batang naghihintay sa akin. Dahil volunteer, wala kaming tinatanggap na anuman sa parokya, maswerte kung maabutan kami ng Php50.00 sa isang buwan. Bagama’t puno ng pagsubok ay masayang masaya ako sa buhay dahil sa kabila ng lahat ay tinawag ako ng Diyos.
Napakabuti at marunong ang Diyos, alam na alam Niya kung paano babaguhin ang tulad kong nagsisikap na sumunod sa Kanya. Unang taon ng aking pagtuturo, ang naging estudyante ko’y iyong kapatid kong pangalawa sa bunso, na nagkataon pang madalas sa amin ang mga kaklase, kaya mas kailangan kong tulungan ang aking sarili na baguhin ang dati kong buhay upang maging mabisa akong tagapagturo – isabuhay ang itinuturo tulad ng pagsisimba lalo na kung araw ng Linggo.
Hindi ko rin malilimutan ang unang Bibliya na pinahiram sa akin. Noong makita iyon ni tatay ay nasabi niyang “Anak, bihira ang nagkakaroon at nakakahawak n’yan kaya pakaingatan mo’t unawaing mabuti ang laman n’yan.” Pinakatandaan ko iyon kaya noong magkaroon ako ng personal na Bibliya ay mas sinikap kong basahin ito gabi-gabi at ginuguhitan ang mga Salitang nakakatawag sa akin ng pansin.
Taong 1981, ipinadala ako nina Ms. Limpin sa Santo Niño De Tondo upang dito ipagpatuloy ang aking bokasyon sa patnubay nina Ms. Vicky Reyes at Ms. Frida Jorge, kapwa mga NDV at upang maipagpatuloy ko rin ang aking pag-aaral. Hindi madali ang mapahiwalay sa pamilya pero sa tulong at awa ng Diyos ay nakayanan ko ang lahat. Sa bago kong pamilyang ito mas nahasa ako sa pakikisalamuha sa iba’t ibang tao.
Napalalim ang aking buhay panalangin dahil sa gabi-gabing isang oras na silent prayer. Higit sa lahat ay ang pagdalo sa Banal na Misa araw araw na lalong nagpalapit sa akin kay Jesus sa pagtanggap ko sa Kanyang Banal at Buhay na Katawan at Dugo na nagpapalakas sa akin upang manatili akong tapat sa aking bokasyon.
Mas lalo akong lumago at nagkaroon ng maraming kasanayan tungkol sa pagtuturo at iba pang gawain. Mula 1988 hanggang 2009 ay naging head catechist ako. Hindi rin madali na balikatin ang mabigat na responsibilidad pero mas matingkad sa akin ang mga magagandang karanasan kasama ang mga kapwa katekista at mga paring nagtiwala ng lubos sa aking kakayahan.
Taong 2009, kinausap ako ng aming area coordinator na si Ms. Emer A. De Luna, na ang lahat ng matagal na sa posisyon bilang head catechist ay kailangan ng mapalitan para mabigyan ng pagkakataon ang iba. Masayang masaya ako dahil sa wakas magkakaroon na ng kaganapan ang hinihingi ko sa mga kasamahan ko na palitan na ako. Subalit ang kaligayahang iyon ay napalitan ng matinding kalungkutan, takot, pangamba at pag-aalala nang kausapin muli ako ni Ms. Emer, na isa ako sa napili na maging Area Catechetical Coordinator. Tinanggihan at iniyakan ko ito, sabi ko sa kanya, “Natapos ko na pong tawirin ang mahabang ilog, ngayon nama’y dagat ang gusto ninyong aking languyin. Pili na lang po kayo ng iba na mas karapat-dapat sa posisyon na ‘yan. Baka po dahil sa aki’y bumagsak o masira ang CFAM." Nasabi ko ito dahil sa takot na hindi ko magampanan ng buong husay ang aking magiging tungkulin. Ngunit sumunod pa rin ako kahit ang kalooban ko’y tumututol. Dasal ako nang dasal na hindi sana ako makapasa sa exam pero iba talaga ang plano ng Diyos sa plano ng tao, hindi dininig ng Diyos ang aking panalangin. Isa ako sa nakapasa sa exam kaya noong malaman ko’y naiyak na naman ako at nakiusap kay Ms. Emer na kumuha agad ng kapalit ko, ngunit hindi din siya pumayag. Maging sa interview sa akin ni Fr. Aldrin Lopez, todo ang pagtanggi ko. Pero matibay at seryoso siya sa pag-uusap namin, kaya nasabi n’ya sa akin, “Bigyan mo ako ng 10 dahilan kung bakit ayaw mo itong tanggapin!” Wala akong masabi kundi “ayaw ko po talaga, baka hindi ko makaya.” Lalo akong hindi nakapagsalita noong sabihin niya sa akin, “Ok, kung ayaw mong magbigay ng dahilan ay si Sr. Teresita “Tita” Pamplona, FdCC, na ang iyong kausapin.” Noong marinig ko iyon ay sobra akong natakot kasi alam ko na pagkatapos kong kausapin si Sr. Tita, si Msgr. Gerry O. Santos na ang susunod at huli kong kakausapin. Noon ding sandaling iyon ay pumasok sa isipan ko, “Sino ako para tumanggi sa bagong misyon na ibinibigay sa akin ng Diyos?” Kaya bagama’t mabigat sa kalooban ko’y tinanggap ko ang lahat ng ito. Hindi lahat ay pinagkakalooban ng ganitong kalaking biyaya, ang pagtiwalaan sa kabila ng mga kakulangan.
Muli sasabihin kong hindi madali ang maging coordinator, pero totoong may biyaya sa pagsunod. Ilang buwan pa lang ay dumaan na ako sa matinding pagsubok, na pagkatapos ng masusing proseso at pag iimbistiga ay kailangan kong pirmahan ang resignation ng isa sa pinakamahusay at magaling na katekista sa kasong “immoral acts.” Nakatanggap ako ng death threat sa kanyang kinakasama pero hindi ako natakot na patayin dahil nanindigan lang ako sa kung ano ang tama. Sa punto ding iyon, naramdaman ko ng lubos ang suporta ng Manila Coords lalo na ni Ms. Priscilla “Precy” R. Toong na laging may text o tawag sa akin kung nakauwi na ako.
Masayang mahirap ang maging coordinator, hindi ito posisyon na kailangan kong ipagyabang kasi ang Diyos ang naglagay sa akin dito at lagi ko ring tinatandaan ang sinabi sa amin ni Fr. Aldrin na “We are not over and above with other catechists.” Posisyon lang iyan na hindi ko madadala sa langit. Malinaw sa akin na narito ako sa kalagayang ito para maglingkod, maging kaagapay at gabay ng aking kapwa katekista. Mas mahirap dahil tao, hindi bagay o gamit, ang bawat isa sa kanila ay may damdamin at dangal na kailangang ingatan, igalang at mahalin. Salamat sa Diyos, na sa mga area o grappolo na aking napuntahan, hindi naman ako nahirapang pakitunguhan kahit na iyong sinasabi nilang katekistang may MA.
Ipinagpapasalamat ko din ng lubos sa Diyos, sa Ministry at kay Fr. Carlo Magno S. Marcelo na nagkaroon ng katuparang marating ko ang Roma, Italy. Mula noong maging katekista ay pinangarap kong makapunta sa lugar na iyon at ang pakiusap ko sa Diyos, na kung hindi ito mangyayari ngayong buhay pa ako ay pahintulutan Niyang kapag ako’y namatay ay makapunta ang aking kaluluwa sa Roma para mamasyal at humalik sa kamay ng Santo Papa. Pero tunay na napakabuti ng Diyos, ibinigay Niya at ipinaranas na mapasyalan ko’t makita ng aking mga mata ang kagandahan ng Roma, na lalo pang nagpapatatag ng aking bokasyon at pananampalataya sa Kanya.
Sa paglangoy ko sa malawak na karagatan, bagama’t may takot at mga kakulangan, napapagod at pinanghihinaan ng loob ay masasabi kong nagtagumpay ako, at buong tapang kong natawid ang isa pang yugto ng aking buhay sa tulong at awa ng Diyos at ni Inang Maria na laging nakatunghay sa akin.