SA TULONG AT AWA NG DIYOS Kwento ng Bokasyon ni: Chin-Chin Caseres Dumaycos
Si Chin-Chin Caseres Dumayco ay Isinilang sa Tondo, Maynila noong Ika-9 ng Enero sa araw mismo ng Kapistahan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nagmula sa isang simpleng pamilya at bunso sa dalawang magkapatid, bata pa lamang ay maaga na siyang namulat sa mga gawain at katuruan ng Simbahan dahil sa mga pagdalo niya sa “Religion Classes” sa kanilang paaralan.
Noong siya ay Grade 2, taong 2003, ang nagtuturo sa kanila ay si Ate Aurora Bartolome na siyang unang Katekistang kanyang nakilala. Ang paghikayat nito sa kanila na magpunta sa Don Bosco Youth Center ang naging daan upang siya ay maging aktibong miyembro ng “Oratoryo” (isang pook-palaruan at dalanginan na itinatag ni San Juan Bosco para sa mga kabataan sa Tondo) na malapit lang sa kanilang tahanan.
Namangha siya dahil napakarami nilang mga bata sa Oratoryo. Ibang klase ang karisma ni Don Bosco at ang panalangin ni Mama Mary!
Pagtuntong niya ng Grade 3, sumali siya sa grupo ng “LitCom” or Liturgical Committee. Sila ang naging mga munting lector na nagpapahayag ng Salita ng Diyos sa kanilang lingguhang Misang Pambata sa patnubay ng Katekistang si Ate Yollie at Rubin. Dito na nagsimula ang kanyang paglalakbay bilang isang lingkod ng Simbahan. Marami siyang naging masasaya at makabuluhang karanasan sa loob ng Oratoryo, kabilang na rito ang maging isa siya sa mga “Munting Katekista”. Noong siya ay Grade 4 na ay ipinaranas sa kanila ang pagtuturo ng Katekesis sa mga kapwa niya bata.
Sa gitna ng kanyang masayang paglilingkod ay dumating ang hindi niya inaasahang pangyayari: ang biglaang pagpanaw ng kanyang ina noong siya ay 10 taong gulang pa lamang. Suportado siya ng kanyang Ina at masaya ito sa kanyang mga ginagawa sa Oratoryo at sa kanyang paglilingkod sa simbahan, kaya ganoon na lamang ang kanyang lungkot at panghihinayang sa pagpanaw nito. Ipinangako ni Chin na kahit maaga siyang nangulila sa kanyang Ina ay sisikapin niyang makapagtapos ng pag-aaral.
Hindi naging madali ang pag-usad ng buhay, mahirap ang maagang maulila sa ina, ngunit sa tulong at awa ng Diyos, pinagkalooban siya ng mga tao na nagsilbing inspirasyon at gabay niya upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral at paglilingkod sa Simbahan.
Noong siya ay nasa 3rd Year High School taong 2010, siya’y nahikayat na sumali sa samahan ng mga Katekista (Volunteer Catechists) ng parokya ng San Juan Bosco, Tondo. Noong una ay kinabahan at nahihiya siya dahil para sa kanya ay ayos na manatili na lamang siya sa LitCom. Tila siya ay tinapik at biglang nagbalik-tanaw sa kanyang mga karanasan noon bilang isang Munting Katekista; ang paghikayat na ito sa kanya ay tila isang tadhana.
Ang pagiging Katekista para sa kanya ay isang malaking biyaya mula sa Diyos; isang bokasyon, misyon, at sandata sa pagharap sa mga hamon.
Malaki ang naitulong sa kanya ng pagiging isang kabataang Katekista. Malaki rin ang naging papel ng mga Katekista sa paghubog nito sa kanya. Sa kabila ng mga dumaang pagsubok at mga naging kahinaan niya (sa pamilya, sa pag-aaral, at sa paglilingkod) ay nanatili ang tulong, awa, at pagmamahal ng Diyos. Hindi siya pinabayaan ng Diyos at hindi Siya naging madamot sa mga pagpapala. Isa sa mga ipinagpapasalamat ni Chin ay ang pagbibigay sa kanya ng parokya ng oportunidad na makapag-aral sa kolehiyo bilang iskolar sa tulong ng Katekistang si Ate Norma Ramos at ni Bishop Broderick Pabillo noong taong 2017.
Sa apat na taong pananatili niya sa loob ng Mother Francisca Catechetical and Missionary Formation Institute (MFCMFI) ng Siena College, Inc., Quezon City ay mas pinagtibay ng kanyang mga karanasan doon ang kanyang bokasyon bilang isang Katekista. Nasubok rin ang pakikibagay niya sa kanyang mga kasama mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Hindi ito naging madali dahil malayo siya sa pamilya; may mga masasaya at malulungkot na karanasan. Ngunit sa tulong at awa ng Diyos, siya ay nakapagtapos sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in Religious Education. Lubos ang kanyang pasasalamat sa mga taong tumulong sa kanya.
Sa wakas, natupad na niya ang kanyang pangako sa kanyang Mama!
Marami pa ang mga naging karanasan niya matapos ang pag-aaral sa kolehiyo. May mga pagkakataon na pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat sa mga pagpapalang natatanggap niya mula sa Diyos bilang Katekista dahil sa dami ng kanyang mga pagkukulang, ngunit nangingibabaw ang pagmamahal ng Diyos at ng mga taong malapit sa kanya na silang nagturo upang mahalin niya ang iba at ang kanyang sarili. Sa kabila ng kanyang mga pagkatakot, mas nangingibabaw ang kanyang pagtitiwala at pagpapakumbaba sa Diyos na pumuputol sa mga tanikala ng pangamba, at nagpapahintulot sa pagkilos ng Diyos sa kanyang buhay sa pamamagitan ng mga himala.
“A thousand times I’ve failed, and still His mercy remains.”
At dahil sa walang hanggang tulong at awa ng Diyos, dinala siya sa Catechetical Foundation of the Archdiocese of Manila (CFAM) noong 2022 upang patuloy Siyang paglingkuran at papurihan nang may kagalakan sa puso bilang isang Katekista. Muli, tila isa na naman itong tadhana para kay Chin.
Sa ngayon, siya ay patuloy sa kanyang bokasyon ng pagiging isang full time Catechist sa CFAM at kasalukuyang nakadestino sa San Agustin Church, Intramuros. Kasabay nito, siya rin ay nananatiling miyembro ng Lectors & Commentators sa parokyang kanyang kinalakihan, ang St. John Bosco Parish - Tondo. Habang siya ay naglilingkod ay nagkaroon din siya ng pagkakataon na makapag-exam at matagumpay na nakapasa bilang isang Licensed Professional Teacher (LPT).
Salamat po, Mahal na Poong Jesus Nazareno. Salamat po, Mama Mary. Salamat po, Don Bosco. Salamat sa Inang Simbahan. Salamat sa mga Katekistang humubog sa akin. Salamat sa mga pari at madre na tumulong sa akin ang patuloy na dalangin ni Chin.
Dalangin niya sa Diyos na patuloy nawa siyang samahan, tulungan, at kaawaan sa paglalakbay na ito lalo na sa mga oras na siya’y sinusubok sa kanyang pamumuhay, pananampalataya at paglilingkod. Maging instrumento nawa siya ng pag-ibig at awa ng Diyos sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at mga taong kanyang nakakasalamuha araw-araw, hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Amen.