KAMILO DE LELLIS: Buhay at Kabanalan
Si Kamilo de Lellis ay ipinanganak noong Mayo 25, 1550, sa Bucchianico (ngayon ay nasa Abruzzo, bahagi noon ng Kaharian ng Naples). Ang kanyang ina, si Camilla Compelli de Laureto, ay maglilimampung taon na ng siya ay isilang. Ang kanyang ama ay isang sundalo sa parehong Hukbong Neapolitano at Hukbong pangkaharian ng Pransiya. Nakuha ni Kamilo ang pagka-mainitin ng ulo ng kaniyang ama. Dahil sa may edad na, pakiramdam ng kanyang ina ay hindi na niya mapigil si Kamilo habang lumalaki. Sa murang edad ay naulila na si Kamilo sa ina, pumanaw ito noong 1562 na naging dahilan upang kupkupin siya ng ilang mga kamag-anak.
Matangkad si Kamilo para sa kanyang edad, kaya sa edad na 16 ay sumama siya sa kanyang ama sa Hukbo ng Venetia at sumabak sa digmaan laban sa mga Turko.
Matapos ang ilang taon sa serbisyo militar, nabuwag ang kanyang rehimento. Ipinansugal niya ang lahat niyang ari-arian at nagtrabaho na lamang bilang manggagawa sa seminaryo ng mga Capuchin sa Manfredonia. Subalit, pinahirapan siya ng sugat sa binti na hindi gumaling-galing na natamo niya habang siya'y sundalo.
Sa kabila ng kaniyang pagiging agresibo at pagkahumaling sa sugal, nakakita ng kabutihan sa kanyang pagkatao ang bantay na pari ng seminaryo at laging inilalabas iyon sa kanya. Kalaunan, ang masigasig na pagkukumbinsi ng pari ay tumimo sa kanyang puso at nakapagbalik-loob siya sa Panginoon noong 1575. Pumasok si Kamilo sa novitiate ng mga prayleng Capuchin. Ngunit, patuloy siyang pinahirapan ng sugat sa binti na idineklarang walang lunas ng mga manggagamot, di kalaunan tinanggihan siyang makapasok sa Orden ng mga Capuchin.
Matapos ito, lumipat siya sa Roma kung saan pumasok siya sa Ospital ng San Giacomo na nanggagamot ng mga walang lunas na sakit. Siya mismo ay naging tagapag-alaga sa ospital at kalaunan ay naging superintendente. Habang naroon, patuloy siyang sumunod sa buhay asetiko at nagsagawa ng mga pinitensya.
Kalaunan ay naramdaman niyang tinatawag siya upang magtatag ng isang panrelihiyong komunidad para sa layuning ito. Si Felipe Neri na siya niyang kinukumpisalan ay nagbigay ng pagsang-ayon sa gawaing ito. Kaya’t nag-aral si Kamilo na maging isang pari. Nang maging ganap na pari, lalo niyang itinalaga ang buhay para sa mga maysakit. Hindi siya nag-alinlangan na paglingkuran ang mga maysakit kahit na iyong mga biktima ng peste na kumitil ng maraming buhay.
Nagtatag siya ng isang religious congregation na ngayon ay bantog sa tawag na Camillians upang lalong matulungang maisagawa ang kanyang misyon. Katuwang ang mga kasamahang pari, nagtayo siya ng mga ospital kung saan ang mga maysakit ay hindi lamang ginagamot kundi minamahal bilang mga tao na kailangan ang pang-unawa at paggalang.
Ang malaking pulang krus sa kanilang kasuotan ay nananatiling simbolo ng Kongregasyon magpasahanggang ngayon na tanda ng pagkakawanggawa at serbisyo.
Noong 1586, ibinigay ni Papa Sixto V ang pormal na pagkilala sa grupo bilang isang kongregasyon, at itinalaga sa kanila ang Simbahan ni Santa Maria Magdalena sa Roma, na patuloy nilang inaalagaan. Noong 1588, nagsangay sila sa Naples at noong 1594, pinangunahan ni San Kamilo ang kanyang mga kapatid na relihiyoso sa Milan kung saan nanggamot sila ng mga maysakit sa Ca' Granada, ang pangunahing pagamutan ng lungsod.
Itinaas ni Papa Gregorio XV ang kongregasyon sa katayuang Orden noong 1591. Nagbitiw siya bilang Superior General ng Orden noong 1607, ngunit patuloy na naglingkod bilang Vicar General. Sa panahong iyon, ang mga komunidad ng Orden ay kumalat sa buong Italya at umabot pa hanggang Hungaria. Tumulong siya sa Pangkalahatang Sangay ng Orden noong 1613. Matapos nito ay sinamahan niya ang bagong Superior General sa paglibot sa lahat ng mga ospital ng Orden sa Italya upang mag-inspeksyon. Sa kalagitnaan ng paglilibot na iyon ay nagkasakit siya. Namatay siya sa Roma noong 1614 at inilibing sa Simbahan ni Santa Maria Magdalena.
Na beatipika si Kamilo taong 1742 ni Papa Benedicto XIV at itinanghal bilang santo apat na taon lamang ang nakalipas, noong 1746.
Si San Kamilo de Lellis ang patron ng mga maysakit, mga ospital, nars at mga manggagamot. Ang kanyang kapistahan ay ipinagdiriwang tuwing Hulyo 14.
Source: https://www.facebook.com/KasaysayanKulturaAtPananampalataya/posts/patron...