Saint Germaine Cousin: Ang simpleng pananampalataya at malalim na kabanalan
Si Germaine Cousin ay isang simple at banal na batang babae na nanirahan sa Pibrac, France noong huling bahagi ng 1500s. Siya ay ipinanganak noong 1579 sa isang mahirap na pamilya. Ang kanyang ama na si Laurent Cousin ay isang magsasaka at ang kanyang ina, Marie Laroche ay namatay noong siya ay sanggol pa lamang. Ipinanganak siya na may kapansanan sa kanang braso at kamay at may sakit na scrofula, isang uri ng tuberculosis infection na ang pangunahing sintomas ay pamamaga ng bahagi ng leeg.
Ang kanyang ama ay nag-asawang muli pagkaraan na mamatay ng kanyang ina. Samantalang ang kanyang madrasta ay napuno ng pagkasuklam sa kanya. Pinahirapan at pinabayaan niya si Germaine. Pinakakain ng mga basura, binubugbog at pinapaso ng mainit na tubig para sa mga maling gawain. Ganito rin ang itinuro niyang gawin ng kanyang mga anak kay Germaine.
Tuluyang pinalayas si Germaine sa bahay at pinilit na matulog sa ilalim ng hagdanan, sa tumpok ng mga dahon at sanga. Gumugugol din siya ng mahabang araw sa bukid sa pag-aalaga ng mga tupa. Sa halip na malungkot, nakahanap siya ng kaibigan sa Diyos.
Sa kabila ng kanyang mga paghihirap, namuhay siya sa bawat araw na puno ng pasasalamat at kagalakan. Inilalaan niya ang karamihan sa kanyang oras sa pagdarasal ng Rosaryo at pagtuturo sa mga batang nayon tungkol sa pag-ibig ng Diyos.
Mula sa kanyang simpleng pananampalataya ay lumago ang malalim na kabanalan at pagtitiwala sa Diyos. Araw-araw, iniiwan niya ang kanyang mga tupa upang dumalo ng Banal na Misa. Ipinagkakatiwala niya ang mga ito sa kanyang guardian angel na kailanman ay hindi bumigo sa kanya.
Isang araw nang umapaw ang ilog dahil sa ulan, nakita ng isang taga nayon ang bahagi ng ilog na nahati upang makatawid siya para makarating sa simbahan sa oras ng Misa.
Hindi nagtagal, napagtanto ng mga nakatatanda sa nayon ang espesyal na kabanalan ng batang pastol na ito.
Galit na galit ang madrasta ni Germaine sa mga kwento tungkol sa kanyang kabanalan at naghihintay lamang upang mahuli siyang gumawa ng mali.
Isang araw, matapos itaboy ang isang pulubi na pinatulog ni Germaine sa kamalig, nahuli ng kanyang madrasta si Germaine na may bitbit na kung anong bagay na nakatago sa kanyang apron. Dahil sigurado siyang nagnakaw ng tinapay si Germaine para ipakain sa pulubi, sinimulan niyang habulin at sigawan ang anak. Habang sinisimulan niya itong saktan, binuksan ni Germaine ang kanyang apron at mula doon nahulog ang kanyang itinatago -- makukulay at magagandang bulaklak na hindi inaasahang makikita ng sinuman sa loob ng maraming buwan sa panahon ng yelo at niyebe. Nang iabot niya ang bulaklak sa kanyang madrasta ay kanyang sinabi: "Tanggapin mo po ang bulaklak na ito, Inay. Ipinapadala ito ng Diyos sa iyo bilang tanda ng kanyang kapatawaran."
Sa kalaunan ay inalok siya ng kanyang madrasta ng isang lugar pabalik sa kanilang bahay, ngunit pinili niyang manatili sa kanyang abang tuluyan sa labas ng bahay kung saan siya ay natagpuang wala ng buhay sa edad na dalawamput-dalawa.
Makalipas ang apatnapu't tatlong taon, nang ang isang kamag-anak niya ay inilibing, ang kabaong ni Germaine ay binuksan at ang kanyang katawan ay natagpuang buo at hindi naagnas. Ang mga tao sa nakapalibot na lugar ay nagsimulang manalangin para sa kanyang pamamagitan at makakuha ng mga mahimalang lunas para sa kanilang mga sakit.
Hindi nagtagal ay nagkaroon ng mga himala sa kanyang pamamagitan at nagsimula ang proseso para sa kanyang kanonisasyon.
Si Saint Germaine Cousin ay na-canonize ni Pope Pius IX noong 1867 at isinulat sa kanon ng mga birhen.
Sa ganitong paraan, ang pinaka hindi inaasahan na maging santo ay kinilala ng Simbahan. Wala siyang relihiyosong orden na kinabibilangan. Hindi nakarating sa mataas na posisyon sa Simbahan. Hindi siya nagsulat ng mga libro o nagturo sa mga unibersidad. Hindi rin siya nagpunta sa ibang bansa bilang misyonero o nakapagpabalilk-loob ng libu-libo. Ang tanging ginawa niya ay mamuhay ng isang buhay na nakatuon sa Diyos at sa kanyang kapwa anuman ang mangyari sa kanya.
Ang kapistahan ni Saint Germaine Cousin ay ipinagdiriwang tuwing ika-15 ng Hunyo.
Source: https://www.catholicnewsagency.com/saint/st-germaine-cousin-497
https://www.catholic.org/saints/saint.php?saint_id=52