Saint Gianna Beretta Molla: Ina…doctor…santo
Si Gianna Beretta Molla ay isang Italian pediatrician na ipinanganak sa Milan, Italy noong ika-4 ng Oktubre, 1922. Siya ang ikasampu sa labintatlong anak nina Maria at Alberto Beretta.
Noong si Gianna ay tatlong taong gulang, lumipat ang kanyang pamilya sa Bergamo, at lumaki siya sa rehiyon ng Lombardy sa Italy.
Napakarelihiyoso ng pamilya ni Gianna, sinasamahan niya ang kanyang ina sa Banal na Misa araw-araw.
Sa murang ead, hayagang tinanggap ni Gianna ang kanyang pananampalataya at ang edukasyong Katoliko-Kristiyano na ibinigay sa kanya ng kanyang mapagmahal na mga magulang.
Noong si Gianna ay teenager, namatay ang kanyang panganay na kapatid na babae sa edad na 26. Mula noon, sinimulan niyang mas seryosohin ang kanyang pananampalataya. Nagsimula siyang maglaan ng mas maraming oras para sa personal na panalangin at pagninilay araw-araw.
Bilang aktibong miyembro ng St. Vincent de Paul Society at lider sa Catholic Action movement, inilapat ni Gianna ang kanyang pananampalataya sa isang apostolikong paglilingkod para sa mga matatanda at nangangailangan.
Naging mas masipag din si Gianna sa kanyang mga gawain sa paaralan. Naisip niyang maging missionary sa Brazil, ngunit kalaunan ay nagpasiya na ang pinakamahusay na paraan upang matupad ang kanyang hangaring maglingkod sa iba ay sa pamamagitan ng pagiging isang doktor.
Noong 1942, sinimulan ni Gianna ang kanyang pag-aaral ng medisina sa Milan. Nakatanggap siya ng mga degree sa medicine at surgery mula sa Unibersidad ng Pavia noong 1949 at noong 1950 nagbukas siya ng opisinang medikal sa Mesero, malapit sa bayan ng Milan.
Noong 1952, nagpakadalubhasa si Gianna sa pediatrics sa Unibersidad ng Milan at mula roon, lalo siyang naakit sa mga ina, sanggol, matatanda at mahihirap.
Disyembre 1954, nakilala ni Gianna si Pietro Molla, isang inhinyero na nagtatrabaho sa kanyang opisina. Di nagtagal, sila ay nagdesisyong magpakasal noong Setyembre 1955. Ang kanilang pag-iisang dibdib ay larawan ng isang Kristiyanong pag-ibig.
Makaraan ang dalawang taon, biniyayaan si Gianna at Pietro ng kanilang panganay na anak, na pinangalanang Pierluigi. Ang ikalawa naman ay si Maria Zita at ang ikatlo ay pinangalanang Laura.
Sa pagbubuntis ni Gianna sa kanyang ikaapat na anak, nalaman ng mga doktor na mayroon siyang tumor na nagbabanta sa kanyang buhay at sa buhay ng kanyang sanggol. Bilang isang doktor, alam ni Gianna ang panganib na maaaring maidulot nito sa kanyang pagbubuntis.
Nakiusap si Gianna sa mga surgeon na iligtas ang buhay ng kanyang anak kaysa sa kanyang sariling buhay. Humingi siya ng kaaliwan sa kanyang mga panalangin at sa kanyang buhay na pananampalataya.
Nagpasya siyang magpaopera na may mataas na panganib para sa kanyang sarili ngunit ligtas para sa kanyang anak. Ang operasyon sa pag-aalis ng tumor ay naging matagumpay.
Pagkaraan ng ilang buwan ay ipinanganak ni Gianna ang isang malusog na sanggol na babae, si Gianna Emanuela.
Sinubukan ng mga doktor ang iba't ibang pamamaraan ng paggagamot upang matiyak na ang parehong buhay ay maligtas. Gayunpaman, noong Abril 28, 1962, isang linggo pagkatapos ipanganak ang sanggol, si Gianna ay binawian ng buhay sa edad na 39 at inilibing sa Mesero.
Si Saint Gianna ay nabiyatipikahan ni Pope John Paul II noong Abril 24, 1994 at opisyal na na-canonize bilang isang santo noong Mayo 16, 2004. Ang kanyang asawa at kanilang mga anak, kabilang si Gianna Emanuela na sumunod sa yapak ng kanyang ina na maging doktor ay kasamang dumalo sa seremonya ng kanyang kanonisasyon. Ito ang unang pagkakataon na nasaksihan ng asawang lalaki ang canonization ng kanyang asawa.
Si Saint Gianna ang inspirasyon sa likod ng unang pro-life Catholic healthcare center para sa mga kababaihan sa New York, ang Gianna Center.
Si Saint Gianna Beretta Molla ay ang patron saint ng mga ina, manggagamot at hindi pa isinisilang na mga sanggol. Ang araw ng kanyang kapistahan ay ipinagdiriwang tuwing Abril 28.
Sources: https://www.catholic.org/saints/saint.php?saint_id=6985
https://www.sadlier.com/religion/blog/catholic-saint-feast-days-in-april