Dahil sa kanyang kinabibilangang angkan, lumaki siyang hindi nakaranas ng paghihirap. Ngunit noong Pebrero 1877, si Josephine ay dinukot ng mga Arabong mangangalakal ng alipin.
Bagama't isang bata, siya ay pinalalakad nang nakayapak ng 600 milya patungo sa isang pamilihan ng alipin (slave market) sa El Obeid. Siya ay binili at naipagbili ng hindi bababa sa dalawang beses sa nakakapagod na paglalakbay na ito.
Sa loob ng labing-dalawang taon naranasan niyang bilhin, ipagbili at ipamigay ng mahigit isang dosenang beses. Dahil sa maraming taon ng pagkakabihag, nakalimutan niya ang kanyang orihinal na pangalan.
Bilang isang alipin, iba-iba ang kanyang naging karanasan. Ang kanyang unang amo ay isang mayamang Arabo kung saan ibinigay siya nito sa kanyang mga anak na babae bilang katulong. Isang araw, di inaasahan, nasaktan niya ang anak ng kanyang amo. Bilang parusa, siya ay binugbog nang husto kaya siya ay naging baldado sa loob ng isang buwan at pagkatapos noon ay ipinagbili siya.
Ang isa sa mga naging amo niya ay isang Turkish general na ibinigay naman siya sa kanyang asawa at biyenan kung saan siya ay sinasaktan araw-araw.
Ayon kay Josephine, inuutusan siya ng asawa ng heneral na sugutan ang kanyang sarili habang pinapanood siya nito na may hawak na latigo. Samantalang may isa pang babae na gumuguhit sa kanyang balat na may harina saka papahiran ng asin ang kanyang mga sugat para maging permanente ang peklat. Mula sa pang-aabusong ito, dumanas siya ng isang daaan at labing-apat (114) na peklat.
Noong 1883, ibinenta siya ng kanyang among Turkish general sa Italian Vice Consul na si Callisto Legani. Isang mabait na amo si Legani at noong oras na para bumalik siya sa Italya, nakiusap si Josephine na isama siya nito at pumayag naman siya.
Matapos ang isang mahaba at mapanganib na paglalakbay sa Sudan, Dagat na Pula at sa Mediteraneo, nakarating sila sa Italya. Dito ipinamigay siya sa ibang pamilya bilang regalo at pinagsilbihan niya sila bilang isang yaya.
Ang bagong pamilyang kanyang pinagsilbihan ay nagkakaroon ng mga pakikipag-ugnayan sa Sudan. Isang araw, nagpasya ang kanyang babaeng amo na maglakbay sa Sudan na hindi kasama si Josephine, kaya inilagay siya nito sa pangangalaga ng Canossian Sisters sa Venice.
Habang si Josephine ay nasa pangangalaga ng mga madre, nakilala niya ang Diyos. Ayon kay Josephine, noon pa man ay alam na niya na may Diyos na lumikha ng lahat ng bagay, ngunit hindi niya alam kung sino Siya. Sa kumbento, matiyagang sinasagot ng mga madre ang kanyang mga katanungan tungkol sa Diyos. Dahil dito, labis siyang naantig at naunawaan ang tawag ng Diyos na sumunod sa Kanya.
Nang bumalik ang kanyang babaeng amo mula sa Sudan, tumanggi si Josephine na sumama. Tatlong araw ang ginugol ng kanyang among babae upang hikayatin siyang iwanan ang mga madre, ngunit nanatiling matatag si Josephine. Kaya naman, ang superyora ay nagreklamo sa mga awtoridad ng Italya sa ngalan ni Josephine.
Napunta sa korte ang kaso at napag-alaman ng korte na ipinagbawal na ang pang-aalipin sa Sudan bago pa ipinanganak si Josephine, kaya hindi siya maaaring gawing alipin ayon sa batas at siya ay idineklarang malaya.
Sa unang pagkakataon sa kanyang buhay, naging malaya si Josephine na may kakayanang magdesisyon kung ano ang nais niyang gawin sa kanyang buhay. Pinili niyang manatili sa Canossian Sisters.
Siya ay nabinyagan noong Enero 9, 1890 at kinuha ang pangalang Josephine Margaret at Fortunata, (Fortunata ay ang Latin na pagsasalin para sa kanyang Arabic na pangalan, Bakhita). Tinanggap din niya ang mga sakramento ng kanyang Unang Banal na Komunyon at Kumpil sa araw ding iyon.
Ang arsobispo na nagbigay sa kanya ng mga sakramento ay walang iba kundi si Giusseppe Sarto, ang Cardinal Patriarch ng Venice, na kalaunan ay naging si Pope Pius X.
Si Josephine ay tuluyang pumasok sa pagmamadre sa Canossian Daughters of Charity noong Disyembre 7, 1893 at naging ganap na madre noong Disyembre 8, 1896. Sa kalaunan ay naatasan siya sa isang kumbento sa Schio, Vicenza. Sa kumbento, kilala siya sa kanyang malumanay na boses at matatamis na mga ngiti.
Sa tuwing napag-uusapan ang kanyang karanasan sa pagiging alipin, madalas niyang sinasabi na nagpapasalamat siya sa kanyang mga kidnappers. Sapagkat ang karanasang ito ang naging daan upang makilala niya ang Diyos at makabilang sa Simbahan.
Sa kanyang mga huling taon, nagsimula siyang dumanas ng karamdaman. Sa kabila nito ay nanatili siyang masayahin. Sa sinumang magtatanong sa kanya kung kumusta siya, ang isinasagot niya ay, "Kung ano ang nais ng Panginoon."
Noong gabi ng Pebrero 8, 1947, binigkas ni Josephine ang kanyang huling mga salita, "Our Lady, Our Lady!" at siya ay binawian ng buhay.
Nagsimula ang proseso ng kanyang canonization noong 1958 sa ilalim ng pamumuno ni Pope John XXIII. Disyembre 1, 1978, idineklara ni Pope John Paul II na siya ay kagalang-galang o venerable.
Ang kanyang beatification noong 1992 ay na-censor sa Sudan. Ngunit pagkaraan ng siyam na buwan, binisita ni Pope John Paul II ang Sudan at pinarangalan siya sa publiko. Si Josephine Bakhita ay idineklara bilang santo noong Oktubre 1, 2000.
Si Saint Josephine Bakhita ay ang patron ng Sudan at ang kanyang kapistahan ay ipinagdiriwang tuwing Pebrero 8.
Source: https://www.catholic.org/saints/saint.php?saint_id=5601&fbclid=IwAR1AUzm...