LORENZO RUIZ: Buhay at Kamatayan
Ipinanganak si Lorenzo Ruiz sa Binondo, Maynila noong ika-17 siglo sa mga Katolikong magulang. Ang kanyang ama bilang Tsino at ang kanyang ina naman ay Tagala. Natuto siyang mag-tsino mula sa kaniyang ama, habang sa kanyang ina naman ay natutong magsalita ng Tagalog. Ikinasal siya kay Rosario, isang Tagala, at nagkaroon ng tatlong anak.
Naglingkod siyang sakristan sa kumbento, tinuruan ng mga Dominikano, at naging miyembro ng Cofradia del Santisimo Rosario. Habang nagtatrabaho bilang isang klerk sa simbahan ng Binondo noong 1636, napagbintangan siyang pumatay sa isang Kastila. Nagsagawa ng malawakang pagtugis kay Lorenzo dahil sa paniniwalang may kinalaman siya sa kaso. Napilitan siyang tumakas sakay ng isang barko, sa tulong ng tatlong paring Dominikano.
Panahon iyon ng pag-uusig ng pamahalaang Tokugawa sa mga Kristiyano. Dinakip sina Ruiz, ibinilanggo sa Nagazaki, at noong 27 ng Setyembre 1637, nahuli si Lorenzo at ang kanyang mga kasama at dinala sa burol ng Nishizaka, kung saan ay ibinitin sila pabaligtad sa balon. Ang parusa ay tinatawag na horca y hoya sa Kastila. Ibinibitin nang patiwarik sa ibabaw ng isang balon ang pinarurusahan, ngunit nakakawala ang isang kamay upang makasenyas kung nais magbago ng pananampalataya. Wika diumano ni Ruiz, “Isa akong Katoliko at buong pusong tinatanggap ang kamatayan para sa Panginoon. Kung ako man ay may sanlibong buhay, lahat ng iyon ay iaalay ko sa Kaniya.” Tiniis niya ang parusa hanggang mamatay noong 29 Setyembre,1637.
Si Lorenzo Ruiz ang unang Filipinong martir at santo sa Simbahang Katolika. Itinanghal bilang beato noong Pebrero 18, 1981 ni Papa Juan Pablo II na siya ring nagkanonisa sa kanya noong Oktubre 18, 1987. Siya ang kauna-unahang beatiko sa labas ng Roma, dahil isinagawa ito ni Papa Juan Pablo II nang dumalaw sa Pilipinas. Ang kanyang kanonisasyon ay batay sa isang himala na naganap noong 1983, nang gumaling si Cecilia Alegria Policarpio, isang dalawang taong gulang na batang babae na dumaranas ng “in-born brain atrophy” matapos manalangin ang kanyang pamilya at mga tagasuporta kay Ruiz para sa kanyang pamamagitan.
Ang kaniyang kapistahan ay ginugunita ng Simbahang Katolika tuwing ika-28 ng Setyembre. Ang simbahan sa Binondo ang pangunahing dambana ni San Lorenzo Ruiz.
Source: https://philippineculturaleducation.com.ph/ruiz-san-lorenzo/