SANTA MARIAM BAOUARDY
Kapanganakan: January 5, 1846, I'billin, Ottoman Syria
Kamatayan: August 26, 1878 Bethlehem, Mutasarrifate of Jerusalem
Beato: November 13, 1983, Saint Peter's Square, Vatican City by Pope John Paul II
Santo: May 17, 2015, Saint Peter's Square, Vatican City by Pope Francis
Kapistahan: August 26
Si Santa Mariam Baourdy ay ipinanganak noong Enero 5, 1846 sa Ibillin sa pagitan ng Haifa at Nazareth bilang ikalabintatlong anak ng mag-asawang sina Giries Baouardy at Marijam Chahine. Wala pa siyang tatlong taong gulang nang mamatay ang kanyang mga magulang. Pagkamatay ay inampon siya ng isang tiyuhin at nanirahan sa Ehipto. Sa edad na labintatlo ay naging nobyo niya ang kapatid ng kanyang hipag. Noong gabi bago ang araw ng kasal, narinig niya ang tinig ni Hesus na nagmumula sa kaibuturan ng kanyang puso na malinaw na bumulong ng mga salitang ito: “Lahat ng bagay ay lumilipas. Kung ibibigay mo sa akin ang iyong puso, lagi mo akong makakasama.” Matapos matanggap ang mensaheng ito, ninais niyang manatiling mystical bride ng Panginoon magpakailanman at ayaw na niyang magpakasal.
Mula noon siya ay trinato na parang alipin, at dumanas ng lahat ng uri ng pang-aabuso. Sumulat siya sa kanyang kapatid tungkol sa kanyang mga paghihirap at ang liham ay pinadala niya sa isang lingcod. Nang marinig ng muslim na lingkod ang kanyang sitwasyon, sinubukan siyang mapapayag na maging asawa nito para maging isang muslim. Tumanggi siya kung kaya't ang katulong ay pinagtangkaan siyang patayin sa pamamagitan ng paglaslas sa kanyang lalamunan. Siya ay napahiga at nawalan ng malay at pinaniwalaang patay na. Itinapon ang kanyang katawan sa isang eskinita sa Alexandria. Malapit na siyang mamatay nang lumitaw ang isang magandang ginang na nakabalot sa isang asul na damit at siya’y ginising. Nang imulat niya ang kanyang mga mata ay nakita niya ang mahal na Birhen na tinatahi ang kanyang mga sugat at narinig niya ang mga salitang ito: “Maging masaya ka kahit na nagdurusa, sapagkat nagdurusa ka para sa Diyos. Ipinapadala lamang Niya sa iyo ang kailangan mo, tanggapin palagi ang mabuti.” Matapos makapagbigay ng babala tungkol sa mga tukso ng diyablo, siya ay nahikayat na makibahagi sa pagmamahal sa kapwa. Sinabi ng Mahal na Birhen na siya maninirahan sa isang kumbento sa France at mamamatay sa Carmel sa Bethlehem. Pagkatapos ay naglaho na ito.
Nangyari ang lahat ng inihula ng Banal na Birhen: Pumasok si Santa Mariam sa Orden ng Carmelita noong 1875 at pagkatapos ay itinatag ang Carmel ng Bethlehem, kung saan siya namatay noong Agosto 26, 1878. Pagkatapos mamuhay na puno ng mga mistical na grasya, penitensiya, pagbabayad-sala at pagdurusa. Siya rin ay isang stigmatist at gumawa ng mga propesiya, ang iilan na sinasabi natin tungkol sa darating na mga kapighatian at ang Tatlong Araw ng Kadiliman.
Si Santa Mariam Baouardy ay na-beatified ni Pope John Paul II noong ika-13 ng Nobyembre 1983 at na-canonised noong ika-17 ng Mayo 2015 ni Pope Francis. Siya ang naging pangalawang Griyegong Katoliko na na-canonised bilang santo ng Simbahang Katoliko, ang una ay si Josaphat Kuntsevych noong 1867.
PANALANGIN KAY SANTA MARIAM BAOUARDY
Banal na Espiritu, bigyan mo ako ng inspirasyon;
Pag-ibig ng Diyos, punuin mo ako;
Sa totoong landas, patnubayan mo ako;
Maria aking ina, bantayan mo ako;
Kasama ni Hesus, pagpalain mo ako;
Mula sa lahat ng kasamaan, mula sa lahat ng ilusyon,
mula sa lahat ng panganib, ingatan mo ako.
Santa Mariam, ipanalangin mo ako at ang lahat ng aking hangarin.
(Banggitin ang iyong kahilingan dito...)
Ama namin ...
Aba Ginoong Maria ...
Luwalhati ...