PEDRO CALUNGSOD: Buhay at Misyon
“Mapalad na kabataan! Tunay na ginantimpalaan ang kanyang apat na taong matiyagang paglilingkod sa Diyos sa napakahirap na misyon. Siya pa ang nauna sa aming superyor sa langit!”
Buhay
Ipinanganak si Calungsod noong 1654. Siya ay isang kabataang nagmula sa rehiyong Bisaya ng Pilipinas. Walang tiyak na makapagsasabi kung saan nga ba talaga siya nanggaling. Kilala lamang siya ayon sa ilang historical records bilang “Pedro Calonsor, El Visayo.” Kaya naman maraming bayan ang umangkin sa lugar ng kanyang kapanganakan. Nakapag-aral siya sa isang paaralang pinalalakad ng mga Heswita para sa mga kalalakihan kung saan natutuhan niya nang husto ang katesismo at makipag-usap sa wikang Espanyol at Chamorro. Nahasa rin siya sa pagguhit, pagpinta, pag-awit, pag-arte at pagkakarpintero. Nagpamalas ng natatanging kakayahan si Calungsod nang magsilbi siya sa Banal na Misa ayon sa Tridentine Rite na gumagamit ng wikang Latino.
Nang tumuntong ng labing apat na taon, isa si Calungsod sa mga pinakabatang katekista at sakristan na piniling makasama ng mga Heswita sa kanilang misyon sa Chamorros sa Isla ng Ladrones (Isla de los Ladrones o Isla ng mga Magnanakaw) na tinawag na Marianas nang maglaon (Las Islas de Mariana) noong 1667 bilang pagbibigay-pugay kay Reyna Maria Ana ng Austria na tumulong maisakatuparan ang misyon.
Misyon
Noong 15 Hunyo 1668, dumating si Calungsod kasama ng mga misyonerong Heswita sakay ng barkong San Diego. Nangaral sila tungkol sa Katolisismo at nagbinyag ng mga pamilya roon nguni't nagkakasalungat sa mga paniniwala, tradisyon at kulturang Chamorro.
Noong ika-18 ng Hunyo 1668, ang masigasig na Heswitang superyor na si Padre Diego Luís de San Vitores ay tumugon sa “espesyal na tawag” at nagsimula ng bagong misyon kasama ng 17 kabataang lalaki at mga pari sa mga isla ng Ladrones. Si Pedro ay isa sa mga batang katekistang nagpunta sa Kanlurang Pasipiko upang ipahayag ang Mabuting Balita sa mga katutubong chamorro.
Ang buhay sa Ladrones ay mahirap. Ang mga panustos para sa misyon tulad ng pagkain at iba pang pangangailangan ay hindi regular na dumarating. Sa kabila ng lahat, ang mga misyonero ay hindi pinanghinaan ng loob, at ang misyon ay pinagpala sa dami ng taong nagbagong-loob sa Diyos. Ginalugad ng mga misyonero ang mga liblib na lugar at nakapagbinyag ng higit sa 13,000 katutubo. Sinimulan na din ang pagtatayo ng mga kapilya sa iba’t-ibang lugar sapagkat lumalawak na ang gawain ng pagtuturo. Isang paaralan at isang simbahan sa karangalan ni San Ignacio de Loyola, ang naitatag sa lungsod ng Agadna sa hilagang-silangan. Kinalaunan, ang mga isla ay muling pinangalanang “Marianas” sa karangalan ng Mahal na Birheng Maria at ng Reyna-Rehente ng Espanya, si María Ana, na siyang tagatangkilik ng misyong yaon.
Di naglaon, ang mabuting pakikitungo ng mga katutubo ay naging poot sapagkat ang mga misyonero ay nagsimula ng mga pagbabago sa nakaugalian ng mga chamorro na hindi angkop sa Kristiyanismo. Ang mga misyonero ay tumutol sa pagsamba nila sa kanilang mga ninuno. Hinuhukay ng mga chamorro ang mga bungo ng mga namayapang kamag-anak at itinuturing ito bilang mapaghimalang anting-anting. Ang mga ito’y idinadambana sa mga espesyal na bahay na binabantayan ng mga katutubong salamangkero na kung tawagin ay macanja. Ang mga chamorro ay nagdarasal sa ispiritu ng kanilang mga ninuno upang swertehin, magkaroon ng magandang ani at manalo sa digmaan.
Tumutol din sila sa kaugalian ng mga kabataang lalaki na tinatawag na urritao sa kanilang pakikipagniig sa mga kabataang babae sa mga pampublikong lugar na walang basbas ng sakramento ng kasal sapagkat itinuturing nila ang ganitong pagkakalakal ng sarili bilang bahagi ng kanilang pamumuhay.
Hindi rin sila naibigan ng mga chamorrong nasa mataas na antas sa lipunan o matua na nag-utos na ang biyaya ng pagiging Kristiyano ay nararapat lamang sa kanila. Ang mga mabababa ang antas sa lipunan ay hindi daw dapat bigyan ng karapatang maging mga kristiyano.
Ipinag-utos ng mga misyonero ang pagpapasunog at pagpapagiba sa mga Guma’ Uritao at itinayo ang Colegio de San Juan de Letran para sa mga lalaki at Escuela de Niῆas para sa mga babae. Hindi naging madali ang pagtanggap ng mga tagaroon sa pangangaral ng mga misyonero.
Isang maimpluwensyang chino na nagngangalang Choco na nauna nang napadpad sa isla mula sa isang lumubog na barko, ang nainggit sa katanyagan ng mga misyonero sa mga chamorro, at nagsimulang maghasik ng paninira na ang tubig na ginagamit daw ng mga misyonero sa pambinyag ay may lason. At dahil ang ilang masakiting sanggol na nabinyagan ay nagkataong namatay, marami ang naniwala sa kasinungalingan at di naglao’y ganap na tumalikod sa pananampalataya. Ang masamang adhikain ni Choco ay kinatigan ng mga matua, macanja at mga urritao kasama ng mga nagsitalikod sa pananampalataya at sinimulan nilang usigin ang mga misyonero.
Kamatayan
Ang pinaka-hindi makakalimutang pangyayari ay naganap noong ika-2 ng Abril 1672, Sabado bago ang Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon nang taong iyon. Bandang ika-7:00 ng umaga, si Pedro na noo’y 17 taong gulang at ang superyor ng misyon, si Padre Diego, ay nagpunta sa nayon ng Tomhom sa isla ng Guam. Doon, nabalitaan nila na isang sanggol na babae ang kapapanganak pa lamang, kaya’t nagpunta sila sa ama ng sanggol na si Matapang, upang ipagpaalam na bibinyagan ang sanggol. Si Matapang ay isang kristiyano at kaibigan ng mga misyonero, subalit dahil isa siya sa mga tumalikod sa pananampalataya, pagalit siyang tumanggi na binyagan ang kanyang anak.
Habang wala si Matapang sa kanilang kubo, sinamantala nina Padre Diego at Pedro ang pagkakataong mabinyagan ang sanggol na may kapahintulutan ng kristiyanong ina ng sanggol.
Nang malaman ni Matapang ang pangyayari, lalo siyang nag-apoy sa galit. Una niyang inihagis ang sibat kay Pedro. Nakailag si Pedro dahil mas mabilis ang kanyang pagkilos at pag-iisip kaysa sa bumubulusok na sibat. Nang sunod na inihagis ni Matapang ang sibat tinamaan si Pedro sa dibdib at siya’y humandusay sa lupa.
Pagtatanghal bilang Banal
Noong ika-5 ng Marso 2000 itinanghal na beato si Pedro Calungsod sa Roma.
Taong 2008, ipinahayag ng lubhang kagalang-galang Ricardo Cardinal Vidal ang pag-asang si Beato Pedro Calungsod ay magiging isang ganap na santo na. Ilang mga tao ang humiling ng kanyang pamamagitan at nakapagpatotoo sa mga himala: ang kagalingan ng isang binata na may kanser sa buto at ang pagkakaligtas sa isang biktima ng kidnap ay ilan lamang sa mga ito.
Noong ika-24 ng Marso 2011, ang mga kasangguning doktor ng Vatican ang nagpahayag na mayroong hindi pagkaraniwang kagalingan ang naganap. Noong ika-2 ng Hulyo, ang mga kasangguning teologo naman ang nagpatunay na ang paggaling na ito ay sa pamamagitan ni Pedro Calungsod. Pagkatapos, noong ika-11 ng Oktubre, ang mga kasangguning kardinal, arsobispo at obispo ay nagkaisa upang pagtibayin ang ipinahayag ng mga doktor at teologo na magtatanghal kay Beato Pedro bilang isang ganap na santo.
Ika-21 ng Oktubre 2012 nang si Pedro Calungsod ay maging isang ganap na santo. Siya ang ikalawang Pilipinong santo.
Source: http://prieststuff.blogspot.com/2012/02/ang-talambuhay-ni-beato-pedro-ca...