Kwento ni Kuya Judie Antoquia
CFAM Staff
Ako po si Judie Antoquia, 42 taong gulang. Isa po akong Janitor at 23 years na po akong nagsisilbi sa CFAM. Masaya akong maging kabahagi ng institusyong ito ng Simbahan at nagagalak akong ibahagi sa inyo ang aking kwento.
Laking probinsya po ako at pumunta dito sa Maynila upang makipagsapalaran at maghanap ng magandang trabaho.
Sa isang work agency po ako namasukan at pinalad na ma-assign sa CFAM bilang isang Janitor. Binata pa lang ako ay nasa CFAM na ako. Marami po akong nakikilala na ibat-ibang tao, sila ang nagturo sa akin upang makasabay sa buhay sa Maynila.
Dahil sa kanila hindi ako nahirapan na makisalamuha at mag-adjust sa siyudad. Sila rin ang gumabay sa akin upang magawa ko ang aking trabaho ng tama.
Ako po ay may apat na anak, si Freedom Judimer Antoquia, 14 years old, si Judel Mark Antoquia 12 years old si John Ali U. Antoquia, 10 years old, at ang aking bunso na si Feasible Justice Antoquia, 2 years old.
Hindi man po ako pinagpala sa dami ng pera, masasabi ko na pinagpala ako sa aking mga anak. Kahit na sadyang makukulit, sila naman ay nagiging isang mabuting alagad ng Diyos. Ang tatlo ko pong lalaki ay mga lingkod ng Simbahan sa aming parokya bilang mga sakristan, at ang aking panganay na anak ay isa nang seminarista.
May anak po akong PWD (Person with Disability), sya po si “Chuchay” ang aking bunso. Siya ay may Multiple Congenital Anomaly (DORV, VACTRL).
Hindi man kami handa sa pagdating nya. Pero matagal na naming mag asawa pinagdadasal na magkaroong ng isang anak na babae at siya ay biyaya ng Diyos para sa amin. Binigay s’ya samin ng hindi inaasahan at ipinanganak sa panahon ng “pandemic”. Sabi ng doctor ay na expose ang kanyang ina sa radiation. Nagtatrabaho kasi ang asawa ko sa isang printing shop at nakakalanghap ng mga gamot para sa pag-iimprinta.
Hindi naman niya akalain na sa mga panahong iyon ay nasa loob na ng kaniyang tiyan si Chuchay.
Lumabas ang Chuchay namin na maraming difficulties sa kanyang katawan. Iisa ang kidney, walang mga tenga, walang butas ang p’wet kaya sya naka colostomy bag ngayon, may deformity ang kanyang mga paa, Siya ay may Parkinson’s disease, at may butas ang puso. Sa ngayon po kami ay umaasa at nanalangin na siya ay maoperahan.
Mula pa naman noong nag uumpisa palang kaming bumubuo ng pamilya ay sadyang mahirap na po talaga ang buhay. Nang lumabas na ang aming bunso, madalas po na kami ay lalong hirap, may pagkakataon na minsan nagtatanong na po ako sa Diyos kung bakit sunod sunod ang problemang dumadating sa aming pamilya. Bakit parang hindi kami nauubusan ng mga pagsubok at bakit parang kapag may nangyayari na maganda ay kasunod ang trahedya.
Pero sa tuwing nakikita ko ang mga anak ko, lalo na si chuchay, napapaisip ako. Bakit kaya binigay sya samin? Bakit kailangan syang maghirap? bakit dumating kami sa punto na parang wala na kaming malapitan?
Pero mali!
Nagkamali ako, dahil ang Diyos ang gumagawa ng paraan. Hindi niya kami pinapabayaan.
Ginagawa niyang instrumento ang mga kasamahan ko sa trabaho, mga katekista, mga madre, at pari para kami ay tulungan. Mapa-pinansyal at espirituwal. Kaya mapalad ako, mapalad ang pamilya ko dahil sa mga taong ito na patuloy na sumusuporta hanggang ngayon.
Mga taong hindi ko naman kaano-ano pero sila pa ang madalas kong natatakbuhan.
Ang Diyos ay patuloy na gumagawa ng paraan para makaraos kami sa araw-araw, kahit na napakarami ang problemang binabato ng mundo samin. Patuloy parin kaming kakapit sa kanya.
Dalangin ko na sana’y magmilagro na gumaling na ng tuluyan ang aming bunso.
Salamat sa Diyos dahil sya ang dahilan kung bakit nandito parin ako sa CFAM sa gitna ng lahat na pagsubok. Ang CFAM ang nagiging sandalan ko sa lahat ng bagay. Mapa-espiritwal man o iba pang bagay. Maging ang mga dati kong kasamahan at amo na wala na ngayon sa CFAM ay patuloy pa rin na tumutulong sa amin. Salamat sa mga taong ito dahil sila ang mga taong binigay ng Diyos mula noon hanggang ngayon.
Isa din pong paraan ng Diyos na binigyan kami ng maliit na negosyo, ang pagtitinda ng ulam. Ang mga anak ko po at ako ang taga-deliver ng mga order sa aming lugar. Nakakatulong po ito sa pang araw araw naming pangangailangan.
Sa ngayon po ay magsisimula na akong mag hanap ng extra income sa pagiging isang Joyrider kapag wala akong trabaho.
Napakabuti ng Diyos, patunay lamang na kapag ‘di ka bumitaw sa Kanya… lahat ng mabibigat na bagay ay sadyang gagaan.
(Sa matagal na panahon ng pamamasukan sa CFAM, si Judie ay naging isang mahusay na tagapaguturo ng Mabuting Balita – isang katekista sa pamamagitan ng kanyang matapat na paglilingkod sa pinaka-simple niyang gawain. Ang kanyang matibay na pananampalataya, sipag, tiyaga, at kababaang loob ay isang paglalarawan ng isang katekista na nagtuturo ng pananampalataya, hindi lamang sa salita kundi sa kanyang gawa.)