TINIG NG PAG-IBIG
Ang Kwento ng Pag-iibigan ni Ren Herminio at Arnel Yruma
Ang aking love story ay nagsimula noong panahon ng pandemic. Year 2020, nang mabuo ang mga programa ng CFAM Media Ministry o CMM at isa ako sa mga naging hosts ng Youcat RelTime.
Dahil pandemic, kinakailangan namin mag stay-in sa CFAM para na rin sa aming kaligtasan. Kaya naman, dito ko nakilala ang iba pang mga talented na katekista ng CMM.
Makalipas ang dalawang buwan, nakapag-adjust na kami sa line-up ng Reltime kaya nagkaroon na ako ng panahon na kilalanin ang iba pang mga kasamahan ko sa CMM.
Isang gabi, sa Sala ni Ka Luring, habang nagku-kwentuhan kami ng mga kasama ko sa RelTime, may narinig akong boses ng lalaki na kumakanta. Iyon pala ay practice para sa U-kat Jam. Aaminin kong nabighani ako sa kanyang tinig kaya napatanong ako sa aking sarili: “Sino kaya yung kumakanta na ‘yun? Ang ganda naman ng boses.” Simula noon ay naging curious na ako kung sino ang nagmamay-ari ng boses na iyon.
Hanggang sa nalaman ko sa pamamagitan na rin ng aming mga kasamahan sa CMM na si Arnel pala ang kumakanta noong gabing iyon.
Base sa mga kwentong narinig ko, si Arnel ay may girlfriend noong mga panahong iyon. Pero base rin sa mga kwento ay nagkakalabuan na raw sila.
Nakiusap sa akin ang mga kasamahan ko sa RelTime na sina Cielou, Victor at Sam pati na rin si Ryan na bestfriend ni Arnel, na kung pwede ay i-comfort ko si Arnel at payuhan sa pinagdadaanan niya. Nakikita kasi nila kung paano ako magpayo sa mga malalapit sa akin sa CMM kaya naisip nila na baka makatulong ako kay Arnel. Doubtful ako noong una, hindi ko naman kasi close si Arnel, pero sa pagnanais nilang ma-comfort ko siya, sila na mismo ang nagkwento sa akin ng love story ni Arnel.
Hindi nagtagal, nagkaroon kami ng pagkakataon ni Arnel na makapag-usap. Hindi ko inaasahan na dito na rin magsisimula ang kwento ng aming pag-ibig.
Ang maikling pag-uusap na iyon ay nauwi sa pangrereto sa amin ng aming mga kasamahan sa CMM. Pero sa totoo lang, wala pa akong balak na pumasok sa romantic relationship noong mga panahong iyon. Gusto ko lang makipagkaibigan kay Arnel.
Sa paglipas ng mga araw at buwan, nakita ko ang paggabay ng Diyos sa akin patungo sa taong inilaan Niya para sa akin. Tatlong signs ang binigay sa akin ng Diyos.
Ang una ay noong January 2021, sa retreat ng CMM kung saan si Sir Ed Frando ang siyang naging resource speaker tungkol sa buhay ni Saint Joseph. Dito, nagkaroon ako ng mas malalim na pagkilala kay Saint Joseph at sa kanyang role sa Banal na Pamilya. Isa sa nakapag-strike sa akin ay ang katotohanang, pinagkakaloob ng Diyos ang lahat ng pangangailangan ng Banal na Pamilya sa pamamagitan ni San Jose, kaya huwag tayong mag-atubiling manalangin at humiling sa kanya.
Dahil dito, hindi na ako nagdalawang-isip na humiling kay San Jose noong oras ding iyon na sana ay makilala ko na ang taong nakalaan para sa akin kung ako ay para sa pag-aasawa.
Maya-maya lang ay napatingin ako kay Arnel na noon ay nakaupo sa mismong harapan ko na para bang sinasabi ng konsensya ko na “kilalanin mo siya!” Ito ang dahilan kung bakit naging open akong kilalanin siya at noong araw na iyon ay kinuha ko na rin ang pagkakataon na makapagpa-picture sa kanya.
Hindi nagtagal ay nanligaw na nga sa akin si Arnel, at masasabi kong makalumang style ang paraan ng panliligaw niya na siyang gusto ko sakaling may maglakas-loob na manligaw muli sa akin.
Dumating sa punto na nagtanong siya kung kailan magiging kami. Undecided talaga akong maging boyfriend si Arnel dahil alam ko na kagagaling lang niya sa break-up at natatakot akong maging “rebound” lang sa ex-girlfriend niya. Pero maganda ang mga katagang sinabi niya sa akin, “Huwag kang matakot magmahal muli. Kung nasaktan ka, iyon ay dahil nagmahal ka ng totoo. Pero di ‘yon dahilan para tumigil ka sa pagmamahal.” Dito ko napagtanto na seryoso siya sa akin at naisapuso ko ang mga katagang iyon. Ito ang ikalawang sign na maituturing kong ibinigay sa akin ni Lord.
Ikatlo, sa shooting ng Famtime, kung saan isa ako sa mga casts ng show bilang nanny ng pamilyang Cabuello. Ang programang ito ay tungkol sa karanasan ng bawat miyembro ng pamilya sa loob ng tahanan. Dito ay nagbibigay ng katekesis si Kuya Egay at Ate Vivian Cabuello bilang integration sa karanasang iyon.
Habang nakikinig ako sa katekesis nila tungkol sa tungkulin ng bawat miyembro ng pamilya ay bigla akong na-inspire at na-excite magkapamilya. Doon ko naintindihan ang kahalagahan ng tatay, ng nanay at ng mga anak at kung paano i-empower ang mga anak para lumaki silang mabait at responsable.
Ang mga signs na ito ang nag-udyok sa akin na ibigay na kay Arnel ang matamis kong “Oo”.
Naging boyfriend ko nga si Arnel at sa mga panahong ito ipinakita niyang consistent siya sa pagmamahal at pagiging provider. Kaya naman nang nagpropose siya ay “Yes” agad ang isinagot ko.
After five months of being engaged ay nagpakasal na kami noong May 13, 2023, Feast of Our Lady of Fatima. Kasabay ng pag-asang bubuo kami ng simple at masayang pamilya sa hinaharap.
Pinili namin ang May 13 bilang petsa ng aming kasal sa kadahilanang ang pinakaunang larawan namin ay kinunan kung saan nasa gitna namin ang imahe ng Our Lady of Fatima at ito ang unang debosyon na natutunan ko sa pagkabata.
Salamat sa lahat ng naging bahagi ng aming kwento ng pag-ibig at sa mga tumulong upang ang aming kasal ay maayos naming maisakatuparan. Nawa ay patuloy ninyo kaming isama sa inyong panalangin habang kami ay nagsisikap na bumuo rin ng aming sariling “Banal na Pamilya”.
Lorena Herminio-Yruma
(Si Lorena “Ren” Hermino ay isa sa mga Digital Layout Artist ng CMM habang si Arnel Yruma naman ay Sound Technician at Property Custodian ng CMM)