“TOUR GUIDE OF FAITH AND DARK SOULS”
By: Glenda L. Bayag-O
Jeremiah 29:11 “Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito’y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punong-puno ng pag-asa.”
Malamig na hangin ang s’yang bumabalot sa kapaligiran na s’yang dumadampi sa balat habang ang kampana ng simbahan ay tumutunog para sa pagsalubong sa Bagong Taon. May isang inang sumisigaw sa sakit habang nagkakasiyahan ang lahat. Isang sanggol pala ang isisilang sa besperas ng Bagong Taon.
December 31, 1998, ako ay isinilang sa isang maliit na tahanan ng aking lolo at lola sa Taba-ao, Buguias, Benguet. Simple lamang ang aming pamumuhay sa probinsiya. Ako ay lumaki sa pagtatrabaho sa bukid, sa isang maliit na lupain na pag-aari ng aking ama at ina.
Dahil sa kalayuan ng paaralan sa aming tahanan, nagpasya ang aking mga magulang na ilipat ako sa s’yudad upang doon mag-aral. Nasa ika-apat na baitang pa lamang ako noon nang lumipat sa La Trinidad Benguet at natutong mamuhay na mag-isa, sa isang maliit na paupahan na kinuha ng aking mga magulang. Doon ako ay nanirahan simula Grade IV hanggang sa makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.
Tulad ng ibang mga kabataan na malayo sa pamilya, naranasan ko ang mapabarkada at magpakasaya sa aking sarili na walang inaalala na may sasaway o magpapaalala sa akin. Maging ang relasyon ko sa Diyos ay napakalayo. Ngunit pinilit ko pa ring makapagtapos ng pag-aaral sa kursong Bachelor of Science in Tourism Management sa Unibersidad ng Baguio.
Pagkalipas ng ilang buwan ay nabigyan ako ng pagkakataon na makapagtrabaho sa aming munisipyo bilang isang Administrative Aide, na kung saan ako ang naatasan na sumama sa mga turista upang ipasyal sa iba’t ibang tourist spots sa aming lugar.
Habang nagtatrabaho ay naging aktibo ako sa mga gawaing pang Simbahan ng aming parokya, ang Holy Family Catholic Mission at sa aming kapilya sa Balicanao. Dito nagsimulang lumalim ang aking pananampalataya sa Diyos.
Kasabay ng paglago ng aking pananampalataya ay ang paglago din ng pananampalataya ng aking pamilya. Nagkaroon na kami ng panahon na magdasal ng Santo Rosaryo ng sama-sama gayundin ang magsimba tuwing araw ng Linggo bilang isang pamilya. Ang aking ama naman ay naging punong tagapangasiwa ng aming Basic Ecclesial Community (BEC).
Nakita ko sa aming BEC ang kakulangan sa katekista upang maghubog ng pananampalataya ng mga katulad kong uhaw na makilala pa si Hesus. Doon ay umusbong ang aking pagnanais na maging isang katekista.
Makalipas ang mahigit isang taon, iniwan ko ang aking trabaho bilang isang tourist guide at nagpasya na tumanggap ng paghuhubog upang maging isang katekista. Sa tulong ng isang kaibigan, si Ate Noren Joy Ancheta, ako ay nakapasok sa Mother of Life Center.
Noong Hulyo 31, 2021, kumuha ako ng entrance exam sa Mother of Life Catechetical Center at sa awa ng Diyos ay nakapasa at natanggap bilang isang scholar ngunit ito ay lingid sa kaalaman ng aking mga magulang. Kaya nang matanggap ko ang resulta ng entrance exam at ipaalam sa kanila ang aking plano na mag-aral sa Maynila labis ang kanilang pagkabigla. Hindi rin nila inasahan na ako ay magnanais na mag-aral upang maging isang katekista.
Ramdam ko ang pag-aalala ng aking mga magulang sapagkat muli na naman akong malalayo sa kanila ngunit buo na ang aking pasya na ipagpatuloy ang aking pag-aaral at maluwag naman nila itong tinanggap.
Dahil sa pandemic, hindi agad ako nabigyan ng pagkakataon na makababa sa Maynila, bagkus ay nagkaroon kami ng online class sa unang semester.
Makalipas ang limang buwan ay naitawid ko ang pag-aaral sa unang semester. Sa pagpasok ng ikalawang semester, nabigyang pag-asa ang aking paghahangad na magkaroon ng face to face class. Noong ika-4 ng Pebrero taong 2022 ay nagbyahe ako pababa ng Maynila dala ang aking mga bagahe. Sobrang excited ako noon na may halong kaba at takot din sapagkat hindi ko alam kung ano ang magiging buhay ko doon. Subalit ipinagpasa-Diyos ko na lamang ang lahat.
Hindi naging madali ang buhay ko sa loob ng Mother of Life Center sa kadahilanang hindi naman ako sanay sa ganoong klase ng pamumuhay na parang nasa loob ng kumbento. Maging sa pagsasalita ng tagalog ay hindi ako ganoon kabihasa, kaya naman hindi din naging madali ang aking pag-aaral. Subalit wala naman talagang madali sa buhay at hindi naman talaga madali ang sumunod sa Diyos, kaya nagsumikap ako na harapin ang mga pagsubok. Sa paglipas ng mga araw at buwan, natutunan ko nang sumabay sa agos ng buhay sa loob at naging masaya na ako sa aking mga ginagawa.
Bagama’t bahagi ng programa ng Mother of Life ang maglingkod sa mga parokya bilang paghuhubog, masasabi kong ang pagpasok ko sa Catechetical Foundation of the Archdiocese of Manila (CFAM) ay isang pagkakataon upang maisakatuparan ang aking pagnanais na maging isang katekista. Malaking tulong ang CFAM upang mahubog at mapalalim pa ang aking pananampalataya na siya kong maibabahagi sa iba lalo na sa mga kabataan.
Sa kasalukuyan, naka-assign ako sa parokya ng Our Lady of the Most Blessed Sacrament Parish at nagtuturo ng katesismo sa Kalayaan National High School.
Isang napakalaking hamon sa akin ang pagtuturo sapagkat ito ang unang pagkakataon na magtuturo ako sa loob ng silid-aralan. Wala akong background sa pagtuturo kaya hindi naging madali sa akin ang pagharap sa mga estudyante.
Subalit makalipas ang ilang linggo ng pagtuturo ay unti-unti ko nang nakuha ang loob ng aking mga estudyante kaya kalaunan ay natuto na rin silang makinig, rumespeto at sumunod. Dahil dito, mas lumalim ang pagkilala ko sa aking mga estudyante at ngayon ay masaya kong ibinabahagi si Hesus sa kanila.
Ipinagmamalaki kong ako ay isang “igorota.” Isang katutubo na mula sa kabundukan, kaagapay ng Simbahan sa pagpapalago ng pananampalataya ng sambayanang Kristiyano. Kung dati, ako ay isang taga-gabay ng mga turista sa iba’t ibang lugar sa kabundukan, ngayon ako ay taga-gabay na ng mga tao patungo kay Kristo bilang “Tour Guide of Faith and Dark Souls”.