Venerable Anne De Guigné: Kabanalan at Kabataan
Noong 1915, isang taon pagkatapos ng pagsisimula ng Unang Digmaang Pagdaigdig (WWI), nang ang labanan ay nagaganap na sa mga malalalim na hukay ng lupa, at nababatid ng lahat ng pamilya sa France na ang pagbisita ng isang opisyal ng gobyerno ay nangangahulugan na may napatay sa labanan, binuksan ni Madame de Guigné ang pinto ng kanyang tahanan sa alkalde ng Annecy-le-Vieux nang nalaman niya na ang kanyang asawa, na tatlong beses nang nasugatan sa labanan ay hindi na makakauwi.
"Anne, kung gusto mo akong aliwin, dapat maging mabuti ka" sabi ni Madame de Guigné sa kanyang apat na taong gulang na anak na babae, ang panganay sa kanyang apat na anak.
Mula sa sandaling iyon, ang batang ito na noon pa man ay suwail, mayabang at selosa ay humantong sa isang tuluy-tuloy at mapait na pakikipaglaban upang maging mabuti. Ang kanyang panloob na pagbabago ay nangyari sa kanyang pagsisikap at lakas ng loob. Ngunit higit sa lahat, sa pamamagitan ng panalangin at mga sakripisyong ipinataw niya sa kanyang sarili. Lalo na ang pagmamahal niya sa kanyang ina, na nais niyang aliwin ay kanyang naging daan patungo sa Diyos.
Ang lahat ng sakripisyo niyang ito na magbago ay nakita at pinatunayan ng mga taong malapit sa kanya. Para kay Anne, ang gabay na liwanag sa landas ng kanyang pagbabalik-loob ay ang kanyang unang komunyon na ninais niya ng buong puso at kaluluwa na kanyang pinaghandaan nang may kagalakan noong ika-26 ng Marso 1917 kung saan siya ay anim na taong gulang pa lamang. Matapos ang ilang araw ay nasundan naman ito ng kanyang pagtanggap sa Sakramento ng Kumpil noong Abril 10, 1917.
Nang dumating ang oras, isang pagsubok ang ibinigay sa kanya ng obispo na napakadali niyang naipasa. "Sana lahat tayo ay magkaroon ng parehong antas ng kaalaman sa relihiyon tulad ng batang ito" sabi ng tagasuri.
Ang natitirang bahagi ng kanyang maikling buhay ay napuno ng kapayapaan na nagmumula sa malaking kaligayahan na dulot ng kanyang pag-ibig sa Diyos. Sa kanyang paglaki, ang kanyang kabutihan ay lalo pang lumawak sa mga taong nakapaligid sa kanya. Lalo na sa mga maysakit, mga mahihirap at gayun din sa mga hindi sumasampalataya.
Si Anne ay namuhay, nanalangin at nagdusa alang-alang sa iba. Sa murang edad, nagdanas siya ng rayuma kung saan ang kanyang sakit ay agad na iniaalay niya sa Diyos. Madalas niyang sinasabi, “Hesus, inaalay ko ito sayo” o kaya “Hindi ako nagdurusa, natututo akong magdusa.”
Noong Disyembre 1921 nagkaroon siya ng sakit na tinatayang meningitis, na naging dahilan ng kayang pagkaratay sa banig ng karamdaman. Sa kabila nito, patuloy niyang inuulit: “O Diyos, mangyari ang iyong kalooban!” Kapag may nagdarasal para sa kanyang paggaling, idaragdag niya ang mga salitang "…at nawa'y gumaling ang lahat ng iba pang may sakit!"
Namatay si Anne de Guigné ng madaling araw noong ika-14 ng Enero 1922 pagkatapos ng pakikipag-usap sa isang madre. Ito ang kanyang naging tanong: “Sister, maaari ba akong sumama sa mga anghel?”
Nagsimulang bumuhos ang mga patotoo at lumabas ang mga artikulo ukol kay Anne de Guigné. Kaya naman noong 1932, sinimulan ng Obispo ng Annecy ang proseso ng kanyang pagiging beata.
Ang mga pag-aaral na isinagawa sa Roma sa posibilidad ng kabanalan sa mga bata ay natapos noong 1981 at noong Marso 3, 1990 ang kautusan, na nagsasaad na si Anne de Guigné ay "kagalang-galang" o venerable ay inihayag.
Source: https://www.facebook.com/photo?fbid=650837822281744&set=pcb.650838978948295