Montse Grases: Ang pagsisikap na sundin ang Gawa ng Diyos
Ang buhay ni Montse sa murang edad ay napupuno ng pagmamahal sa Diyos. Nakatagpo niya si Hesus sa mga ordinaryo niyang gawain sa araw-araw kung saan ibinigay niya ang kanyang sarili sa Kanya.
Ipinanganak si Maria Montserrat Grases Garcia o Montse sa Barcelona, Spain noong Hulyo 10, 1941, ang pangalawa sa siyam na magkakapatid.
Maraming kaibigan si Montse at mahilig din siya sa sports, sayaw, musika, at pag-arte. Siya ang tipo na palaging nagbibigay ng ngiti sa mga nakikilala niya.
Noong siya ay 13 taong gulang, nagsimula siyang dumalo sa mga pulong at mga gawain ng paghuhubog sa buhay Kristiyano. Dahil ang kanyang ina at ama ay aktibong miyembro ng Opus Dei, hinikayat nila si Montse na sumali, ngunit si Montse ay hindi pa handa na italaga ang kanyang sarili noong mga panahong iyon.
Sinimulan ni Montse ang kanyang edukasyon sa mataas na paaralan sa ilalim ng mga madre noong 1951. Mula doon, ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Professional College for Women. Sa kanyang bakanteng oras, siya at ang ilang mga kaibigan ay madalas na bumibisita sa mahihirap na rehiyon ng Barcelona upang magturo ng katesismo sa mga bata na may dalang mga laruan, kendi at iba pang pagkain.
Taong 1956, dumalo si Montse sa isang Opus Dei retreat. Sa pagtatapos ng retreat hindi pa rin siya sigurado kung magpapatuloy dito kaya’t nagsimula siyang mag-alay ng panalangin at sakripisyo upang matulungan siya sa paggawa ng desisyon.
Noong summer ng 1957, masaya siya nang matuklasan na nagpasya ang kanyang kuya na pumasok sa seminaryo upang maging pari. Mula noon, nagsimula siyang manalangin sa isang espesyal na paraan para sa mga pari.
Unti-unti, napagtanto niya na may personal na pagtawag ang Diyos para sa kanya. Noong Disyembre 24, 1957, matapos niya itong ipagdasal ng taimtim ay hiniling niyang makapasok sa Opus Dei. Mula sa sandaling iyon, sinikap niyang palalimin ang kanyang espirituwal na buhay, inuuna ang panalangin at pagmumuni-muni sa buhay ni Hesus, kasama ang Eukaristiya at debosyon sa Mahal na Birhen.
Sa isang liham na isinulat niya kay Saint Josemaria Escriva, ang tagapagtatag ng Opus Dei, sinabi niya: "Hindi mo maiisip kung gaano ako kasaya, Ama, kahit na kung minsan ay medyo mahirap para sa akin."
Noong 1958, kasama ang mga kaibigan pumunta si Montse sa isang ski resort sa La Molina. Habang nag-ski pababa ng burol, nahulog siya at nasugatan ang kanyang binti. Nagdulot ito ng matinding sakit sa kanya at hindi na ito nawala. Matapang niyang tiniis ang sakit at inialay ito para sa mga kaluluwa sa purgatoryo. Lumala pa ang pananakit ng kanyang binti kaya pagkatapos ng ilang buwan, dinala siya sa isang Red Cross Clinic para sa pagsusuri.
Hunyo 1958, na-diagnose siya ng mga doktor na may Ewing Sarcoma, isang uri ng cancer sa buto. Matapos sabihin kay Montse ang kanyang kalagayan ay narinig siyang kumakanta sa kanyang silid: “Noong ako ay namumuhay nang napakasaya, nang hindi iniisip ang pag-ibig, gusto mong mahalin kita at minahal kita nang buong puso. At patuloy kitang mamahalin kahit pa sa katapusan ng aking buhay. Sapagkat mahal kita nang buong kaluluwa at ang kaluluwa ay hindi namamatay."
Sa kabila ng kanyang karamdaman, nanatiling payapa si Montse. Sinikap niyang iwasang maging sentro ng atensyon o na ang iba ay maawa sa kanya. Sa halip, naging interesado siya sa mga pangangailangan sa kanyang paligid. Hiniling pa niya sa isang kaibigan na turuan siyang tumugtog ng gitara, upang maaliw ang kanyang mga bisita. Kaya ang mga bumisita sa kanya ay aalis nang may kapayapaan sa kanilang mga puso at may pagnanais na mapalapit sa Diyos.
.
Namatay si Maria Montserrat Grases Garcia noong Huwebes Santo, Marso 26, 1959, sa gulang na 17 lamang. Naiulat na sinubukan niyang umupo para mas matingnan ang larawan ng Mahal na Birhen at ang kanyang huling mga salita ay “Mahal na mahal kita! Kailan mo ako pupuntahan?”
Noong Abril 19, 2016, kinumpirma ni Pope Francis na si Montse ay namuhay ng may kabanalan at karapat-dapat sa titulong Venerable.
Source: https://www.facebook.com/photo/?fbid=650838232281703&set=pcb.650838978948295