Setyembre: Buwan ng Katekesis
Sa pagdiriwang natin ng Pambansang Buwan ng Katekesis ngayong Setyembre kung saan ang tema sa taong ito ay “THE CATECHISTS WALKING TOGETHER AS WITNESSESS OF THE NEW LIFE IN CHRIST” nais muli nating ipakilala…
Sino nga ba ang Katekista?
Ang Katekista ay ang mga alingawngaw ni Hesus, ang mga tagapagturo ng Mabuting Balita na walang iba kundi si Hesus. Sila ang mga apostoles na inatasan ng ating Panginoon ng sabihin Niya: “Humayo kayo, gawin ninyong alagad ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa ngalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mt 28:19).
Ang gawaing ito ay nagpapatuloy sa ating panahon ngayon. Sinabi ni San Juan Pablo II “Every Christian is a Catechist. “Tayong lahat na tumanggap ng Sakramento ng Binyag ay katekista at inaasahan na maging saksi sa pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng pakikilakbay sa ating kapwa lalo na ang higit na mga nangangailangan.
Ito ang gusto naming maitanim sa isip at puso ng mga bata at kabataang nasa aming pangangalaga tuwing araw ng Linggo na sila ay katekista ring katulad namin. Kaugnay nito, upang ipakilala si Hesus at ang Kanyang mga turo, sa bawat Linggo ng buwang ito kaming mga katekista ng San Felipe Neri ay naghanda ng mga gawain para sa aming mga tinuturuan. Ang sabayang paggalaw sa awit na Go Forth and Teach sa pagdiriwang ng Misang Pambata, ang coloring contest sa mga Grades 1, 2, 3 Poster Making para sa mga Grade 4, 5, 6, ang quiz bee para sa mga kabataan.
Nawa sa aming patuloy na pakikilakbay sa mga bata at kabataang ito tunay nga na naisasabuhay namin ang paalala ng aming patron na si San Felipe Neri, “Huwag nating hayaang lumipas ang buong araw na hindi tayo nakakagawa ng mabuti.”
Masayang naipagdiwang ang iba’t ibang mga gawing ito sa aming parokya ganun din sa iba pang mga parokya ng Archdiocese of Manila.
Maligaya at mapagpalang Pambansang Buwan ng mga Katekista!
Mabuhay ang mga Katekista!
Mabuhay tayong lahat!
- ni Lheck Quintana