Pebrero 10, 2024
San Juan Bosco Parish, Tondo
Manila Area
Ni: Aillyn C. Salaum
Isang masaya at matagumpay na Inter-Vicariate Youth Day ang naganap noong Pebrero 10, 2024 sa Don Bosco Youth Center-Tondo, Manila. Ito ay programa ng Catechetical Foundation of the Archdiocese of Manila (Manila Area) sa pakikipagtulungan sa Association of Salesian Cooperators (ASC) Tondo Center na may temang "Mary arose and went with haste!" (Lk. 1:39).
Ang layunin ng Youth Day na ito ay magdiwang at manalangin ng sama-sam
ayon sa tema ng WYD 2023 at magkaroon ng malinaw na pananaw sa mga kasalukuyang sitwasyon at katotohanan na hinaharap ng mga kabataan.
Dumalo sa Youth Day na ito ang 369 na kabataan mula sa Bikaryato ng Sto. Niño, Bikaryato ng Espiritu Santo, Bikaryato ng San Jose de Trozo, Bikaryato ng San Fernando de Dilao, at Bikaryato ng Holy Family. Kasama rin sa dumalo at nag-organisa ng Youth Day na ito ang 50 na full-time catechists, tatlong volunteer catechists, at apat na Vicarial coordinators. Sumali rin ang 17 na Salesian Cooperators na naging katuwang sa gawaing ito. Sa kabuuan, mayroong 439 na dumalo sa Youth Day 2024.
Nagsimula ang Youth Day 2024 sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya na pinangunahan ni Rev. Padre Gaudencio Carandang, SDB, Kura Paroko at Rektor ng St. John Bosco Parish. Mayroon ding "Plenary talk" na ipinamalas ni Ms. Lee Ann Rosal, isang propesor sa Ateneo de Manila, upang bigyang-diin at mas maunawaan ang tema na "Mary arose and went with haste".
Sa pagpapatuloy ng programa, hinati ang mga kabataan sa tatlong pangkat, Team Jacinta, Team Francisco, at Team Lucia. Habang sila ay papunta sa kanilang mga lugar, dinarasal nila ang Santo Rosaryo. Pagkatapos ay nagkaroon ng pagbabahaginan ang mga kabataan sa maliit na mga grupo upang sagutin ang mga ibinigay na katanungan. Makikita na ang mga kabataan ay bukas sa pagbabahagi ng kanilang mga karanasan at nararamdaman.
Matapos ang pagbabahaginan sa mga maliit na grupo, ipinagpatuloy ang pagdadasal ng Santo Rosaryo at nagkaroon ng pagkalap ng mga binahagi ng mga kabataan sa malaking grupo na kanilang kinabibilangan.
Bilang pangwakas, nagkaroon ng "YOUTH JAM" na lubos na ikinasaya ng lahat.
Ang okasyong ito ay nagpapahiwatig ng positibong simula para sa Junior Catechists Association (JCA) sa Area ng Maynila. Ito ay nagpapakita ng isang mahalagang hakbang tungo sa pagkamit ng mga layunin ng CFAM na palakasin ang pananampalataya ng mga bata at kabataan sa Arkidiyosesis ng Maynila at alagaan ang kanilang pagtawag na maging mga katekista sa hinaharap.
Pagbati sa mga katekista sa Area ng Maynila at sa lahat ng mga bumubuo ng activity na ito sa kanilang matagumpay, mabunga at makabuluhang INTER-VICARIATE YOUTH DAY 2024.