Kumpilang Bayan sa Sacred Heart
Kasabay ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Parokya ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, sa araw na ito, Hunyo 26 ay nagkaroon ng Kumpilang Bayan na siyang pinamunuan ni Msgr. Esteban Lo, LRMS. Ang mga naitalang nakumpilan ay umabot sa bilang na isangdaan at dalawampu’t tatlo (123).
Malinaw at makahulugan ang naging mensahe ni Msgr. Lo sa kanyang homily para sa mga tumanggap ng Sakramento ng Kumpil.
“Ang puso ni Hesus ay sugatan dahil sa kasalanan ng sangkatauhan. Ang puso ni Hesus ay napulumputan ng koronang tinik. Ganun pa man, ito’y nag-aalab, naglalagablab hindi sa galit kundi sa tindi ng pagmamahal Niya sa atin sa kabila ng sugat na ibinigay natin sa Kanyang puso.
Kung tunay kang naniniwala na mahal ka ng Panginoon, then kahit anong pasanin ay kaya nating lampasan. May kabilang bahagi ang katotohanang ito, ang ating pagtugon sa Panginoon. Sana mahalin natin ang Panginoon kahit anong mangyari. Paano natin gagawin ‘yan? Dumating na ang oras para pangatawanan at isabuhay ang Pangako ng Binyag, itakwil si Satanas at tanggapin ang paghahari ng Panginoon. Ang Espiritu Santo ang siyang gumagabay sa atin upang magampanan natin ang dapat natin gampanan. Manalig sa Panginoon, kumapit sa Kanya. Sa bandang huli, ating mararamdamang may kapayapaan, may kaligayahan, may pag-asa, may lakas.”