Taunang Unang Pakikinabang, Ginanap.
ni Rhea Gayoso
Tumanggap sa unang pagkakataon ng Katawan ni Hesus sa anyo ng tinapay ang 70 na mag-aaral sa taunang unang komunyon na ginanap sa St. John of the Cross Parish, Pembo, Makati, noong February 25, 2022 sa pangunguna ni Rev. Fr. Jonathan Mojica, katuwang na pari sa parokya.
Sa ipinagdiwang na Banal na Misa, binigyang diin ni Fr. Mojica sa kanyang homiliya ang kahalagahan ng pagtanggap kay Hesus sa Banal na Komunyon.
“Tutulungan tayo ni Jesus na maging mabuti. Kaya ang tinatanggap nating tinapay, si Kristo ang magbibigay sa atin ng lakas na gumawa ng mabuti. Promise ni Hesus na kasama natin siya palagi. Kahit sa ating gawain sa bahay, kasama natin si Hesus."
Idinagdag niya rin sa kanyang homiliya ang pagpapaalala sa mga magulang na sila ang unang daan upang mapalapit ang kanilang mga anak kay Hesus.
“Alam n’yo ba mga bata, ang unang magpapakilala sa inyo kay Kristo ay ang mga magulang ninyo. Kasi noong bininyagan kayo, iyon ang promise nila. Kaya mga magulang tuwing Sunday, isang oras lang, ibigay n’yo na para sa mga bata. Mga magulang, huwag ninyong ilayo sila kay Kristo. Sa pagtanggap nila ng sakramento, nandiyan kayo bilang magulang nila, kayo ang gabay nila sa pananampalataya at makilala nila si Kristo. Dalhin ninyo ang inyong mga anak palapit kay Kristo.” mula sa homiliya ni Fr. Mojica.
Ang mga mag-aaral na nakiisa sa pagdiriwang ay mula sa Pembo Elemetary School, Maria Montessori Holy Christian School Inc. at School of Mind Achiever and Researchers of Tomorrow (SMART) Inc.
“Long time na po na hindi ako nakarating sa simbahan, kaya happy po ako ngayon.” Azariah Rapiza isa sa mag-aaral na tumanggap katawan at dugo ni Hesus sa unang pagkakataon.
Maayos na ipinatupad sa ginawang Banal na Misa ang COVID Protocols tulad ng pagsusuot ng facemask at social distancing.