Enero 27, 2024
Parokya ng Sta Clara de Montefalco
Munting Alagad ni Kristo
Bikaryato ng Parokya ng Sta Clara de Montefalco at
Parokya ng St. Joseph the Worker
Inihanda ni: Virgo Go Solajes Vidallon
Isang mahalagang pagdiriwang ang naganap sa Parokya ng Sta. Clara de Montefalco sa lungsod ng Pasay, nitong nakaraang Enero 27, 2024, sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang pandemya na dulot ng Covid 19 ay nagkaroon ng “Childrens’ Assembly” na may temang: “Munting Alagad ni Kristo, Tara na! Maglingkod, Mag-aral, at Magdasal Tayo!”
Pinangunahan ito ng mga katekista ng Bikaryato ng Sta. Clara de Monte Falco at St. Joseph the Worker at nasa 100 na mga bata at kabataan ang dumalo sa nasabing gawain.
Ang Children’s Assembly ay naglalayon na manumbalik ang mga kabataan sa Simbahan, maging aktibong kasapi na regular na dumadalo sa mga paghuhubog sa pananampalataya at maging isang kabataang katekista sa hinaharap.
Nagsimula ang pagtitipon sa maikling orientasyon para sa Misa at pagsasanay sa mga awitin, tugon, at mga tamang asal at pagkilos sa loob ng Simbahan. Pinamunuan naman ni Msgr. Matt Claro M. Garcia ang Kura Paroko ng Sta Clara de Montefalco, ang Banal na Pagdiriwang.
Nagkaroon ng malalim na pagninilay ang mga bata sa Misa, sapagkat ang homiliya ni Monsignor Matt ay talaga namang naaangkop sa kanilang kaisipan at kasalukuyan nilang kalagayan sa paaralan at pamayanan. Naging hamon sa mga dumalo ang tanong ni Msgr. Matt na “bakit ka nandirito?”
Isang bata ang nagbigay ng makatutuhanan at mapanghamong sagot na “wala kasing magawa sa bahay kaya pumunta ako dito”. Ito ay hindi inaasahang sagot na maaring tingnan sa negatibong pananaw, ngunit maaring piliin ang positibong pag-iisip na dahil ang Simbahan ay naglalaan ng oras para sa kanila sa pamamagitan ng mga ganitong gawain ay nailalayo sila sa hindi magandang bisyo at nagiging makabuluhan ang kanilang oras.
Naging makabuluhan ang buong umaga, may mga palaro at mga gawain na ang layon ay hindi lamang upang sila ay malibang kundi natutulungan pa silang maunawaan ang dahilan ng kanilang pagdalo.
Ang bawat laro ay talaga namang napakasaya at ang mga bata ay nag enjoy, sapagkat hindi lamang ito isang laro kundi kinapulutan rin ng mga aral at nakatulong upang higit na makilala ang sarili, maglingkod sa kanyang kapwa at mahalin ang Diyos.
Ang gawaing ito ay nagpapahiwatig ng isang positibong simula para sa Junior Catechists Association (JCA) sa area ng Pasay - Makati. Ito rin ay isang mahalagang hakbang patungo sa pagtamo ng mga layunin ng CFAM na palakasin ang pananampalataya ng mga bata at kabataan sa Archdiocese ng Maynila at palaguin ang kanilang bokasyon upang maging mga batang katekista sa hinaharap.
Munting Alagad ni Kristo, Tara na! Maglingkod, Mag-aral, at Magdasal Tayo!”
Pagbati at pagsaludo sa mga katekista mula sa Bikaryato ng Sta Clara de Montefalco at St. Joseph the Worker para sa matagumpay na pagdaraos ng Children’s Assembly.