BIDYO KATEKESIS SA KORONASYON PONTIPIKAL NG BIRHEN NG LORETO, INILUNSAD
Jhon Joseph Buentes
Bilang paghahanda sa nalalapit na Koronasyon Pontipikal ng imahen ng Birhen ng Loreto, pormal na inilunsad noong ika-18 ng Oktubre ng Archdiocesan Shrine and Parish of Our Lady of Loreto ang bidyo katekesis para sa nasabing Koronasyon. Ang paglulunsad ay pinangunahan ni Rev. Fr. Enrico Martin F. Adoviso, Rektor at Kura Paroko, kasama ng mga mananampalataya ng parokya at ilang katekista ng CFAM Media Ministry o CMM sa pangunguna ni Rev. Fr. Carlo Magno S. Marcelo, CFAM Minister.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Fr. Marcelo ang aniya'y mensahe ng Mahal na Birhen ng Loreto na siyang plataporma o nais na ipatupad ng Mahal na Ina na nakapaloob sa titulong niyang ito. At ito ay ang muling pagpapanibago ng ating pagtugon ng "oo" sa banal na kalooban ng Diyos tulad ni Maria. "Huwag kayong matakot na mag-commit sa Panginoon," paghihikayat ni Fr. Carlo, "Ilagay ninyo ang 'oo' ninyo, sa likod ng 'oo' ni Maria. Sapagkat ang 'oo' ni Maria, ay laging tapat, laging dalisay at laging hindi makasarili."
Pinasasalamatan naman ni Fr. Erik Adoviso si Fr. Carlo at ang mga katekista ng CMM sa kanilang dedikasyon sa larangan ng ebanghelisasyon at katekesis, at sa kanilang pagsisikap na mabuo ang bidyo katekesis ng Koronasyon ng Mahal na Birhen. Sa pagtatapos, binigyan ni Fr. Adoviso ang grupo ng larawan ng Mahal na Birhen ng Loreto bilang pasasalamat at pagkilala.
Ang Koronasyon Pontipikal ng imahen ng Birhen ng Loreto ay gaganapin sa darating na ika-10 ng Disyembre, 2024.
GALLERY






